
Bilang bahagi ng paggunita sa National Anti-Trafficking in Persons Awareness Month (NATPAM) 2025, nagsagawa ang Provincial Committee Against Trafficking and Violence Against Women and Children (PCAT-VAWC) ng Surigao del Norte, katuwang ang Regional Inter-Agency Committee Against Trafficking (RIACAT-VAWC) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Caraga at ang Pamahalaang Lokal ng Claver ng isang oryentasyon ukol sa human trafficking ayon sa RA 11313, RA 11862, at RA 11930 sa Claver, Surigao del Norte, Hulyo 28.
Dumalo ang mga kinatawan mula sa iba’t ibang mining companies sa Claver upang palalimin ang kanilang kaalaman at kamalayan sa mga isyung may kinalaman sa karahasan, pang-aabuso, at trafficking. Tinalakay rin ang mga palatandaan ng trafficking, legal na obligasyon ng mga kumpanya, at mga tamang proseso sa pag-uulat ng mga paglabag.
Bukod sa pagpapalawak ng kaalaman, layunin din ng aktibidad na hikayatin ang mining sector na maging aktibong katuwang sa pagtataguyod ng karapatan ng mga kababaihan at kabataan sa paggawa at operasyon. Binigyang-diin ng mga tagapagsalita ang pangangailangang magkaroon ng malinaw na mga polisiya sa loob ng mga kumpanya upang labanan ang anumang anyo ng pang-aabuso at pananamantala, lalo na sa mga kababaihan at bata.
Ang aktibidad na ito ay nagpapatunay ng mahalagang papel ng pribadong sektor, partikular na ng industriya ng pagmimina, sa pagtataguyod ng ligtas, makatao, at protektadong komunidad lalo na para sa kababaihan at mga bata.