Isang pusong hindi kailanman sumusuko ay isang pusong tulad ni Nancita Bagotsay. Siya ang nagsilbing haligi at ilaw ng kanyang pamilya at komunidad, at sa bawat yugto ng kanyang buhay, siya ang naging dahilan sa likod ng maraming kwentong tagumpay.
Bago pa man siya naging ganap na manggagawa sa lungsod ng Sta. Monica sa Isla ng Siargao, si Nancita ay isa nang aktibong Parent Leader sa programang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ng DSWD. Sa kanyang tungkulin, buong puso niyang ginampanan ang pagiging gabay at tulay ng mga kapwa benepisyaryo tungo sa mas maayos na pamumuhay. Dito unang namukadkad ang kanyang malasakit, kasipagan, at kakayahang mamuno.
Noong 2018, nagsimula siyang maglingkod bilang Local Project Development Officer (PDO) sa Santa Monica. Sa halos isang dekada, ipinakita niya ang masigasig na trabaho, integridad, at malalim na malasakit sa lipunan. Sa kanyang paglilingkod, hindi lamang siya naging inspirasyon sa kanyang mga kasamahan sa serbisyo publiko, kundi lalo na sa mga pamilyang kanyang pinaglilingkuran, partikular ang mga kasapi ng Sustainable Livelihood Program Associations (SLPAs).
Malaki ang papel ng SLP ng DSWD sa kanyang paglalakbay, particular na ang Employment Assistance Fund (EAF) na natanggap niya noong 2018. Ang programang ito ang nagsilbing daan upang siya ay makapagsimula at makapagbigay ng mas maayos na kinabukasan para sa kanyang pamilya. Sa pera na kanyang natanggap, itoy inilaan niya mula sa documentary requirements gaya ng NBI clearance, school credential at medical examinations hanggang sa pagbili ng uniform at sapatos para sa kanyang trabaho. Ang mga hakbang na ito ang naglatag ng malinaw na direksyon patungo sa mas tiyak na kinabukasan sa LGU Santa Monica.
Bunga ng kanyang natatanging dedikasyon ng paglilingkod, siya ay na-promote mula pagiging Job Order hanggang sa pagiging permanenteng kawani ng LGU, isang napakalaking tagumpay na bunga ng mahabang taon ng tiyaga, sakripisyo, at pananalig.

Ngayon, si Nancita Bagotsay ay hindi lamang isang mapagmahal na ina, kundi isa ring huwaran ng pagbabago. Isang Parent Leader ng 4Ps, benepisyaryo ng SLP-EAF, at ngayo’y isang bayaning patuloy na naglilingkod para sa kanyang komunidad. Siya ay buhay na patunay na kapag pinagsama ang puso at sipag, walang pangarap na imposibleng maabot.