Hindi inakala ni Malyn Cordita, Presidente ng Malambuon Panikian Sustainable Livelihood Program Association (SLPA), na ang pagtatapos niya bilang benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ay magiging simula ng isang bagong yugto ng kanyang buhay-ang pagiging isang negosyante sa ilalim ng Sustainable Livelihood Program (SLP) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field Office Caraga.
Si Malyn ay grumaduate sa 4Ps ng nakaraang taon at dahil sa programa ay nakapagtapos sa kolehiyo ang kanyang anak at ngayon ay nagtratrabaho sa isang ahensya sa gobyerno.
Kasama ang 30 na dating mga 4Ps beneficiaries, nabigyan sila ng pagkakataong magpatakbo ng Water Refilling Station sa Barangay Panikian, Carrascal, Surigao del Sur. Ang proyektong ito ay bunga ng kanilang pagsisikap, pagtitiyaga, at dedikasyon na matuto mula sa iba’t ibang pagsasanay na ibinigay ng DSWD. Sa patuloy na paggabay ng ahensya, unti-unting natupad ng grupo ang kanilang pangarap na magkaroon ng sariling kabuhayan.
“Sobrang saya namin dahil hindi talaga namin inakala na may bagong oportunidad palang magbubukas matapos kaming maka-graduate sa 4Ps. Ang Malambuon Panikian SLPA Water Refilling Station ay isang napakalaking biyaya para sa amin. Dati, isa lang akong simpleng housewife, pero ngayon isa na akong negosyante. Sa negosyong ito, wala kaming inilabas na puhunan; ang ginawa lang namin ay paandarin at pagandahin ang negosyo. Sisikapin naming mapalago ito upang sa mga susunod na taon ay makapagtayo pa kami ng iba pang negosyo bilang karagdagang kabuhayan,” ani ni Ms. Cordita.
Pormal na na-turn over ang nasabing Water Refilling Station noong Hulyo 28, 2025, sa isinagawang Municipal-Wide Project Turnover Ceremony. Simula noon, unti-unti nang nagbago hindi lamang ang kanilang kabuhayan, kundi pati na rin ang pananaw nila sa pagnenegosyo at sa kanilang kinabukasan.
Samantala, si Ms. Ronalda Pegarro, Treasurer ng Shine Adlay SLPA, ay nagpahayag din ng kanyang taos-pusong pasasalamat matapos matanggap ng kanilang asosasyon ang parehong proyekto, isang Water Refilling Station na magbibigay ng tuloy-tuloy na kabuhayan sa kanilang mga miyembro.
“Lubos kaming nagpapasalamat sa Panginoon dahil kahit nakapagtapos na kami sa 4Ps, binigyan pa rin kami ng pagkakataon na makapagsimula ng negosyo. Maraming salamat sa DSWD para sa Shine Adlaw SLPA Water Refilling Station. Napakalaking tulong nito para sa aming mga pamilya. Pagsisikapan naming maging matagumpay ito sa tulong ng Panginoon at sa aming pagtutulungan,” pahayag ni Ms. Pegarro.
Sa kasalukuyan, ang mga dating benepisyaryo ng 4Ps ay hindi na lamang tumatanggap ng tulong, sila na ngayon ang nagbibigay ng inspirasyon at serbisyo sa kanilang komunidad. Sa pamamagitan ng SLP, natutunan nilang gamitin ang kanilang kakayahan upang makapagtayo ng matatag na kabuhayan at magbigay ng malinis na inuming tubig sa kanilang mga kabarangay.
Mula sa pagiging benepisyaryo tungo sa pagiging negosyante, patunay ang Malambuon Panikian at Shine Adlay SLPA na sa tulong ng disiplina, kooperasyon, at malasakit, kayang abutin ng bawat Pilipino ang tagumpay at pagbabago sa buhay.