Ito ay isang salaysay tungkol sa aking buhay na pinamagatang, “Singkwenta kada araw.”

Taong 1998, ika-26 ng Hunyo nang ako ay iniluwal ng aking ina upang magisnan ang buhay dito sa mundo. Pinangalanang Jenneth na hango naman sa pangalan ng kaibigan ng aking ama. Dalawampung taon na akong naninirahan sa barangay Poblacion, probinsya ng Agusan del Sur kasama ang aking mga magulang na sina Manuel L. Vidal at Vilma G. Vidal. Panlima ako sa anim na biyayang supling na pinagkaloob ng Diyos sa aking mga magulang. Pagmamahal, kasiyahan, at walang hanggang suporta ang pinagsasaluhan ng aming pamilya.

Her parents Manuel and Vilma.

Tatlong taong gulang pa lamang ay hilig ko na ang pag-aaral at dahil sa kagustuhan kong ito, ay maaga akong ipinasok ng aking ina sa paaralan. Ako yung tipo ng estudyante na hindi mahilig sumali sa mga patimpalak kung kaya nagiging mahina ako pagdating sa extra-curricular activities. Dahil napansin ko ang kahinaang ito ay mas pinag-igihan ko ang aking pag-aaral, itinuon ko ang buong oras at atensyon dito kung kaya mula elementarya hanggang sekondarya ay naging honor student ako at nagtapos bilang 6th Honorable Mention sa Prosperidad National High School.

Naging mahirap naman ang paghahanap ko ng paaralan para sa aking pagkokolehiyo lalo na’t kapos kami sa pera. Hindi ako basta-bastang makakapag-aral sa paaralang gusto ko ngunit ninais ng mga magulang ko na sa Philippine Normal University (PNU) ako mag-aaral dahil bukod sa mababang tuition fee, malapit lamang ito sa amin. Minabuti kong sundin ang kanilang payo at agad na kumuha ng entrance exam. Sa awa ng Diyos, nakapasa ako.

Hindi naging madali ang unang taon ko sa kolehiyo, aking napagtanto na napakalaki pala ng pagkakaiba ng buhay estudyante sa hayskul kumpara sa kolehiyo. Napuno ng takot at pangamba ang aking puso na baka matulad ako sa ibang estudyante na huminto dahil sa hindi makayanan ang hirap dito. Tanging dasal at pagtitiyaga lamang ang naging sandalan ko upang malampasan ang mga kinatatakutan ko.

Immortalizing the moment when Jenneth received her medal, certificate, and cash incentive for ranking 8th in the recent Board Licensure Examination for Professional Teachers 2019 (Secondary Level).

Napakahirap. Milyon-milyong butil ng pawis at luha ang kinakailangang tumulo. Mas naging mahirap nang makita ko ang aking mga magulang na nahihirapan…. nahihirapan sa paghahanap ng pera para lamang may pantustos sa pangangailangan namin. Agad nasambit ng aking mga labi, ‘Magtatapos ako at habambuhay kong ipagmamalaki ang mga magulang ko.’

Kaya naman kada araw, ay nag-iipon ako ng singkwenta pesos (Php50) upang paghandaan ang mas malalaki pang bayarin o mga proyekto sa paaralan. Ginusto ko na makatulong sa aking pamilya kahit sa maliit na paraan lamang.

Sa kakulangan ng pera ay naging kasangga namin ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps). Malaki ang naitulong nito lalo na sa aming mga mag-aaral na hirap sa pagkukukunan ng pera para sa mga proyekto at iba pang bayarin. Hindi na nag-iisa ang aking mga magulang sa pag-aalala ng mga bayarin sapagkat mayroon ng programang handang tumulong sa amin.

Mula sa mga ayudang natatanggap ng aming pamilya, ang iba dito ay ginugol para sa akin, at naggamit ko ang aking allowance para sa aking sariling gastusin. Nagsumikap rin ako na makakuha ng scholarship mula sa Provincial Government of Agusan del Sur (PGAS) at sobra ang sayang naramdaman ko ng ako’y nakapasa at nabigyan ng full scholarship.

Ang aking pamilya ang naging inspirasyon ko upang magkaroon ng dobleng sipag at tiyaga, dobleng paniniwala sa sarili, at dobleng pagsasakripisyo. Sapagkat sa likod ng aking mga pangarap ay naroon ang pamilyang hindi ako iniwan, hindi ako pinabayaan at kailanma’y di ako tinalikuran sa kabila ng paghihirap at pag-aalsa ng mga mabibigat na pasanin.

Showing a great smile on her face as she graduated Magna Cum Laude in April 2019 with a degree in Bachelor of Secondary Education – Major in Filipino.

Ikalima ng Abril 2019 ay dumating na nga ang pinakahihintay ko… dumating na ang pangarap ko. Suot ang best OOTD, ang toga, ay lumakad ako sa entablado kasabay ng pagtawag ng pangalan ko at sa dulo nito ay may nakakabit na “Magna Cum Laude”. Pero ito ay simula pa pala dahil noong Sityembre 2019 ay isa ako sa mga topnotchers sa Board Licensure Examination for Professional Teachers (BLEPT). Pangwalo (Top 8) ako. Napangiti ako, sa wakas lahat ng paghihirap ng aking mga magulang ay nasuklian na.

Para sa lahat ng nangangarap na napagkalooban ng 4Ps, huwag niyong sayangin ang oportunidad na ito; isang malaking tulong ito upang makapagtapos kayo. Gamitin niyo itong sandigan at mas pagbutihan ang pag-aaral dahil tanging edukasyon lamang ang inyong maibibigay na sukli mula sa programa at sa mga minamahal ninyo.

 

Isipin na palaging ilaban ang pangarap, anumang balakid ay malalampasan kung mayroon kayong pagtitiwala sa inyong sarili. Sa panahon na kayo ay nahihirapan na ay balikan ninyo ang pangarap niyo at mga inspirasyon upang makamit ito. Huwag na huwag kayong susuko. Kung nakaya kong makamit ang pangarap ko, alam kong makakaya niyo rin. Makakaya natin ang lahat sa tulong ng Maykapal.

Sa aking mga magulang, maraming salamat sa paniniwala at suporta na binigay ninyo. Kayo ang nagging sandigan ko sa laban na ito. Para sa inyo ang tagumpay kong ito.

Sa pagtatapos ng salaysay ko ay nais ko lamang ibahagi ang isang Bible verse na naging sandigan ko araw-araw. Nawa’y magamit niyo rin ito:

Mark 11:24 – Therefore I say to you, “Whatever things you ask when you pray, believe that you receive them and you will have them.”

Capturing the moment when Jenneth wore her best OOTD together with her family last April 5, 2019 at Philippine Normal University (PNU) Mindanao.

Dasal at pananampalataya sa Poong Maykapal ay ang pinakamabisang panlaban at lakas, sa panahon ng kasiyahan at kahirapan. Magtiwala lamang tayo sa Kanya at ibibigay niya ang minimithi ng ating mga puso. ###(Social Marketing Section/DSWD Field Office Caraga)

Credits: Bea Braga, Municipal Link

Print Friendly, PDF & Email