Isinulat ni: Ana Marie Contreras Magparoc
Benepisyaryo ng Barangay Tag-oyango, Sibagat, Agusan del Sur
Ako si Ana Marie. Dating naninirahan sa Pasay City kasama ang aking asawa na si Roberto Coscos Magparoc. Ikinasal kami noong Pebrero 26, 2002 sa Pasay City Hall. Ipinanganak ko ang aming unang anak sa General Santos Hospital. Tuwang tuwa kami dahil siya ay malusog na batang lalaki.
Isang taon at anim na buwan ang lumipas, December 26, 2003 noon nang dumalaw ako sa magulang ko kahit ako’y buntis. Biglang sumakit ang tiyan ko kaya tumawag sila ng nurse at ipinanganak ko ang aking pangalawang anak at siya’y isang batang babae. Lumipas ang isang taon, binabantayan ko ang dalawa kong anak habang sila’y naglalaro ng mayroon akong kinuha sa kuwarto at pagbalik ko nalaglag na sa hagdanan ang anak kong babae kaya dali dali ko siyang kinuha at tinignang mabuti kong may sugat pero wala naman. Dinala ko ang anak ko sa ospital tapos pinatignan sa doktor.
Dalawang araw kaming bumalik sa ospital at sinabi ng doktor na walang nabaling buto at walang kahit na anong pinsala, kaya laking pasalamat namin sa Diyos. Ngunit napansin ko nang magsimula ng maglakad ang babae kong anak ay lagi siyang nadadapa dahil hindi siya tumitingin sa daan at laging nakatingin sa itaas kaya pinatignan namin siya ulit sa doctor. Naisip namin baka dahil doon sa pagkahulog niya sa hagdan.
Sabi ng biyenan kong nakatira sa probinsya na ipagamot raw namin ang anak ko dahil siguradong gagaling ito. Pumayag naman kami ng asawa ko kaya umuwi kami sa probinsya at doon tumira sa bahay ng lola ko. Pinagamot nga ng asawa ko at mama niya ang anak kong babae pero nung umuwi na sila sa bahay hindi na makalakad ang anak namin at karga karga na ito ng asawa ko.
Ginawa namin ang lahat para muli niyang maigalaw ang mga kamay at paa niya. Nilagay ko na ang kung anu-anong dahon sa kanya at araw-araw ginugulungan ng boteng may lamang mainit na tubig ang mga kamay at paa niya. Pero walang nangyari. Ngunit kahit ganoon ang kalagayan ng anak kong babae ay gusto nya paring mag-aaral sa edad na dalawang taon kaya nag-aaral siya. Binubuhat ko siya lagi habang hinahatid at sinusundo ko siya sa paaralan. Kahit mahirap ay tiniis ko siyang buhatin araw-araw ng tatlong taon.
Tinulungan kami ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa pamamagitan ng pagbigay sa amin ng wheelchair para gamitin ng babae kong anak. Malaking tulong din iyon dahil hindi ko na siya kailangan buhatin pa. Nang mag limang taong gulang na ang anak kong babae ay nakalakad na sya ulit kaya bilang pasasalamat may kaunting handaan kami. Lumipas ang isang taon, ipinanganak ang pangatlo kong anak noong Hunyo 05, 2009. Nag-aaral parin ang dalawang anak ko habang nagtatrabaho naman ang asawa ko.
Dumaan ang ilang taon nagkaroon kami ng maliit na bahay. Kahit mahirap kami may nakakain naman kami sa araw-araw dahil kumukuha kami lagi ng gulay para ulamin namin at sa ganun ay bigas nalang ang binibili namin. Nagtrabaho ulit ang asawa ko sa Manila habang kami andito sa probinsya. Ang sinasahod ng asawa ko bilang gwardiya ay binabayad namin sa mga dapat bayaran sa paaralan, binibili ng mga kailangan ng mga bata sa paaralan at binibili ng bigas.
Nagkaroon ng pagsisiyasat ang DSWD at kami ay nakuha sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) kaya mas bumuti ang aming pamumuhay dahil ang ayudang aming natatanggap ay ginagamit namin ng tama at hindi namin inaaksaya. Binabayad namin sa paaralan, binibili ng mga kailangan sa paaralan, gatas, at bitamina ng anak kong babae na may kapansanan.
Makalipas an ilang taon na pagtratrabaho sa Manila ay umuwi nadin ang asawa ko at nagluluto kami ng gulay para itinda sa palengke. Yung mga anak ko ay laging matataas ang marka dahil sila’y nag-aaral ng mabuti upang maiahon ang pamilya namin sa kahirapan.
Lagi akong dumadalo sa pagpupulong patungkol sa Program at iba pang programa ng DSWD gaya ng Kalahi-CIDSS, at Sustainable Livelihood Program (SLP) noon. Nakatulong rin ang pagiging aktibo ko sa komunidad dahil mas marami akong naiimbak na kaalaman at ito’y aking nababahagi sa aking mga anak.
Sa kasalukuyan, nasa Grade 12 na ang panganay ko na si John Robert, Grade 11 naman si Christine Kyle, at nasa Grade 6 ang aming bunso na si Vinze Rogel. Ngunit dahil sa dumating na pandemya, natigil muna ang kanilang pagpasok sa eskwelahan at tumutulong nalang sila sa aming mag-asawa sa gawaing-bahay.
Dahil sa COVID-19 dito sa ating bansa, ang pinagkakaabalahan namin ay ang paghahardin sa bakuran namin. Isa ito sa itinuro sa amin sa Family Development Sessions, ang pagtatayo ng backyard o communal garden. Kahit mas naging gipit kami ngayon dahil nawalan ng trabaho ang aking asawa, mas nakita ko ang importansya ng pagtutulungan sa pamilya. Malaking tulong rin ang Social Amelioration Program (SAP) na aming natanggap bilang mga benepisyaryo ng 4Ps.
Ako ay nangangarap na sa dahan-dahan ay makakamit rin namin ang mga minimithi sa tulong ng Programang ito. Bilang isang pamilyang nakaranas na ng mga pagsubok, matatag naming na aakyatin ang hagdan ng kaunlaran tungo sa aming mga pangarap. #