Isinulat ni: Ronalyn D. Salas
Benepisyaryo ng Tagbina, Surigao del Sur
Mahigit sampung taon na ang nakalipas mula ng kami ikasal ng aking asawa.
Sa loob ng mga taong iyon ay masasabi kong sobrang hirap ng aming pinagdaanan, ang aking asawa ay walang permanenteng trabaho dahil sa madalas niyang pagkakasakit. Marahil ito ay dulot ng mabigat at maalikabok niyang trabaho bilang isang chainsaw operator. Sa aming pagsasama ay biniyayaan kami ng dalawang anak na nangangailangan ng atensyon at mabigyan ng wastong batakan ng pangangailangan gaya ng tahanan, pagkain, edukasyon at damit. Nakakalungkot isipin na ang mga ito ay hindi namin kayang ibigay sa kanila ng buong-buo. Nakikitira lang kasi kami sa tahanan ng aking mga magulang at noo’y umaasa lang kami kung anumang mayroon sila.
Hanggang sa nagkaroon ng survey ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa aming lugar at inerekomenda kami ng mga opisyales ng aming barangay at ng tribal council na mapabilang dito. Nagkaroon sila ng interview sa aming pamilya at kalaunan ay ipinaalam sa amin na kami ay naging benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) saklaw sa Modified Conditional Cash Transfer for Indigenous Peoples (MCCT-IP). Doon nagsimula ang mga proseso hanggang sa kami ay tumanggap ng tulong pinansyal mula sa gobyerno o ang tinatawag na cash grant.
Sa tuwing nakakatanggap kami ng cash grant ay nakakaraos kami sapagkat nakakabili kami ng bigas, ulam, bitamina, groceries at iba pang pangangailangan. Dahil mahirap mamuhay dito sa bundok kung saan kami nakatira, kailangan naming makabili ng maramihan dahil sa layo ng aming tinatahak na biyahe at para makatipid narin ng pamasahe. Alam naming ito’y mga simpleng bagay lamang ngunit higit na mahalaga sa araw-araw na pagsusumikap.
Naging maayos at matiwasay ang mga nagdaang panahon dahil ako ay naging isang mapagkakatiwalaang Parent Leader sa aming grupo. Noon pa man ay sanay na ako sa tinatawag na leadership sapagkat kami ng aking asawa ay mga Pastor ng aming simbahan. Hindi ako nahirapan na mamuno at maghandle ng grupo dahil mas madali kaming nagkakaintindihan at nagkakaisa sa mga kailangan naming gawin. Pinairal ko ang pakikinig sa opinyon ng bawat isa at binibigyang halaga ang ideya ng bawat myembro.
Dagdag pa dito, nakakapagbayad na kami ng maayos sa mga bayarin sa paaralan at nawala na ang takot namin na magpaaral ng mga anak dahil alam namin na katuwang naming ang Programa sa paglalaan para sa edukasyon ng mga bata. May mga panahon narin na nakakapag-bonding o leisure time kami ng aming pamilya kung saan naranasan naming magkasamang kumain sa labas, nagpapagupit ng mga buhok ng aming tatlong anak at nagkakatuwaan sa pagbili ng mga laruan.
Sa mga panahong ito madalas rin kami ng aking asawa na nakikilahok sa mga meetings, barangay events at community activities. Pinakanagustuhan namin tuwing may mga paksa sa Community Family Development Session (CFDS) na nakapagpapatatag sa aming pamilya kagaya ng Responsible Parenthood at Rights of Children. Dahil sa mga paksa na katulad nyan nabuksan ang pag-iisip namin mag-asawa sa mga responsibilidad namin sa aming mga anak. Personal kong nagustohan ang Women Empowerment dahil mas naging patas ang trato sa akin ng aking asawa lalo na sa mga ginagawa naming desisyon para sa aming pamilya. Muli ay naging katuwang naming ang Programa sa pagpapalawak ng aming kaalaman.
Kahit noong kabataan ko pa ay nangunguna at aktibo na akong sumasali at tumutulong sa aming barangay. Naging SK Chairman ako sa taong 2002-2007, hanggang sa naging volunteer ako sa Kapit-Bisig Laban sa Kahirapan – Comprehensive and Integrated Delivery of Social Services (Kalahi-CIDDS) na programa rin ng DSWD at napabilang sa Monitoring and Inspection Team. Nagkaroon kami noon ng training sa community procurement at ang mga natutunan ko mula sa training na iyon ay nagagamit ko hanggang ngayon. Ako ay naging Barangay Secretary taong 2007-2009, Barangay Treasurer taong 2009-2010, at muling naging Barangay Secretary noong 2010 hanggang sa kasalukuyan.
Sa kabila ng kasiyahan at kapayapaan na aming natamasa noon ay may mga pagsubok na dumating sa aming pamilya gaya na lamang ng madalas na pagkakasakit ng aking mga anak at aking asawa. Kalaunan ay naging maayos na ang aking mga anak pero sa kasamaang-palad ang aking asawa ay nagtuloy-tuloy na ang panghihina. Dumating sa punto na kailangan niyang manatili sa bahay at kailangan kong dumiskarte ng mag-isa para sa mga pangangailangan ng aking pamilya.
Naging malaking tulong sa akin ang programa sa mga panahong hindi ko inaasahan, naging katuwang ko itong lalo sa mga pangtustos sa araw-araw naming pangangailangan. Bilang mga Pastor, hawak-kamay pa rin kaming nanampalataya sa Panginoon na Siyang pinagkukunan ng aming lakas ng loob.
Hanggang sa dumating na ang isa sa pinakamasakit na punto ng aming buhay-pamilya dalawang taon ang nakakalipas (2018). Ito ang kabanata ng aking buhay na pinakaayaw ko sa lahat na tila isang masamang panaginip hanggang ngayon. Sa matagal na panahon na pakikipaglaban sa sakit, di na nakayanan ng aking asawa ang kanyang karamdaman at pumanaw na siya dahil sa malubhang sakit sa puso. Siya ay 45 taong gulang pa lang ng mga panahong iyon. Kung tutuusin, sa edad na 35 taong gulang, hindi ko pa alam ang gagawin ko lalo na’t may tatlong anak akong kailangan buhayin mag-isa. Ang danasin ang mga masakit na pangyayaring ito sa buhay ko ay nag-iwan ito ng isang malaking sugat at kadiliman sa aking puso.
Hanggang sa ang natitirang liwanag nalang ay sina Leoford, Leondell, at Leo Clyde – ang aking mga kayamanan na kahit sino man ay walang makakabago. Kailangan kong magpakatatag para sa kanila kaya pinagbubutihan ko ang aking pagtatrabaho. Hanggang sa maari kailangan ko gawin ang mga responsibilidad ko ng may katapatan, para sa bayan.
Muling nasubukan ang katatagan ko bilang isang public servant noong kamakailan lang na nagkaroon ng Social Amelioration Program. Bilang parent leader, tumulong ako upang mas mapabilis at mapaayos ang pamimigay ng emergency subsidy. Sa aking pagtulong, ako ay nagkaroon ng banta sa aking buhay sa kadahilanang may mga taong gustong abusohin ang programa ngunit di ko ito pinayagan. Binantaan ang buhay ko ng mga taong di ko inakalang magiging bayolente dahil lang sa pera. Minabuti kong makipag-ayos sa kanila ngunit di ko ito ginawa sa barangay level sapagkat ako ay nagtatrabaho bilang isang barangay secretary. Minabuti kong sa Police Station gawin para narin ma i-blotter ko ang nangyari. Naging matagumpay naman ako sa pag-aayos naming at nasigurado ko pa na may proteksyon ako sa batas dahil na i-blotter ko iyon.
Sa mga pinakamalulungkot at pinakanakakatakot na pangyayari sa buhay ko ay pinalakas ko ang aking kalooban sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos. Kumapit ako sa mga pangako Niya dahil nga may tatlong buhay pa na umaasa at nakasalalay sa akin. Sa tulong na rin ng mga kaibigan kong mayroong mabubuting kalooban, unti-unti ay naghilom ang sugat sa puso ko.
Sa pagiging solo parent ng dalawang taon, napagtagumpayan kong mapalaki ng maayos ang aking tatlong anak kung saan ang dalawa ay kasalukuyang nag-aaral. Ang panganay ay 9 taong gulang na at siya ang tumutulong sa akin sa mga simpleng gawaing-bahay. Ang pangalawa ay 8, at ang bunso ay 3 na siyang palaging nagsasabi sa akin na magdasal bago matulog. Masasabi kong sa kabila ng masasakit na pangyayaring ito ay maswerte pa rin kami ng mga anak ko dahil may Programa na tumulong sa amin sa panahon ng paghihirap.
Dahil sa 4Ps, masisiguro kong masusungkit ng mga anak ko ang mga pangarap na gusto nilang abutin balang-araw at ako’y nananalangin na patuloy silang magsilbing liwanag at katuwang ko sa buhay… hanggang sa dulo. #