Isinulat ni: Gerry G. Bagasol
Benepisyaryo ng Barangay San Juan, Loreto, Dinagat Islands
“Mangarap ka,” ito ang katagang paulit-ulit na sinasambit ni Ina at Ama noong ako ay bata pa.
Bahay na magarbo, sasakyang kay bago? Siguro ito’y kadalasang pangarap ng mga tao – pero sa katulad kong batang laki sa hirap, ang magkaroon ng bahay na patpat ay sapat. Ngunit, biglang nag-iba ang lahat noong isang gabing ako ay pumunta sa ‘bayli’. Habang
nagkakatuwaan at nagsasayawan kasama ng aking mga kaibigan, mga mata ko’y nabighani sa isang magandang binibini. Kaya hindi na ako nagpaligoy-ligoy pa, nilapitan ko siya at
nagpakilala. Halos isang taon ko ding niligawan ang dalagang nagngangalang Terisita, at pagkatapos ng gabing iyon ika nga sa storya, “ang iba ay history na.”
Ako at ang aking mabuting may-bahay na si Terisita ay nagagalak na kami ay biniyayaan ng dalawang anak. Kaya’t halos lahat ng trabahong pwedeng pasukan ay sinunggaban ko na. Gusto kung bigyan ang aking pamilya ng hindi man magarang bahay, pero isang tirahan na maayos, iyong tipong hindi basta-bastang matitinag ng bagyo. Ngunit gustohin ko man, hindi ako pinagpalad dahil sa hirap kaya’t ang bahay namin noong panahon na iyon ay na-aapawan ng tubig kung malakas ang ulan at minsan natitinag kung malakas ang hangin. Gawa lang kasi sa mga tira-tirang yero at kakarampot ng tabla ang aming tirahan.
Ramdam ko ang hirap na nararanasan ng aking pamilya. Kaya kahit ako’y pagod bilang kargador sa umaga, nagtatanim ng mga kung ano-ano sa hapon, at nangingisda sa gabi kapag maganda ang panahon, patuloy pa rin akong nagsisikap.
Nakapagtrabaho din ako bilang Administrative Officer sa munisipyo noong 2007-2013, na kumikita ng P4,000 buwan-buwan. Kaya lang dahil hindi naman ito regular na posisyon agad din akong nawalan ng pagkakakitaan. Ang asawa ko bagamat tutok siya sa pag-aalaga sa aming mga anak, paminsan-minsan ay tumatanggap din siya ng labada. Hindi naman kami binigo ng aming mga anak na kahit na minsan nagkakandakuba na kami ng asawa ko sa pagtatrabaho. Parehong mababait at matatalino ang aming mga anak. Si Gerric, ang aking panganay ay Class Achiever mula noong elementarya hanggang high school; ganoon rin si Cristy Ann.
Taong 2007, isang problema ang aming hinarap. Nasa kolehiyo na ang aking panganay ng mabuntis niya ang kanyang nobya. Muntik ng maguho ang aming mundo. Wala kaming ibang gusto para sa aming mga anak kundi ang makapagtapos sila sa kanilang pag-aaral, makapagtabaho ng marangal ng sa gayon ay hindi maranasan ng kanilang pamilya ang hirap na naransan namin. Gayun paman, tinanggap naming ang sitwasyon at patuloy paring sinuportahan ang aming anak.
Nakapagdesisyon si Gerric na tumigil muna sa pag-aaral at pumasok bilang waiter sa isang restaurant sa Surigao City. Minsan naging laborer din sya sa pantalan, at pag-season naman sa mining nagtrabaho bilang equipment monitor. Halos limang taon din ang itinigil niya sa pag-aaral. Inuna muna niyang ipagtapos ng pag-aaral ang kanyang may-bahay bago niya ipinagpatuloy ang kanyang kursong Civil Engineering.
Kahit na kami ay nahihirapan, wala kaming pinagsisihan. Lugod naming tinanggap ang aming apo, at kami na ng asawa ko ang nag-aruga dahil parehong nagtatrabaho sina Gerric. Sa taong 2009, isang pribelihiyo ang ibinigay sa amin, iyon ay ang maging isa sa mga unang myembro ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps). Taos puso kaming nagpapasalamat sa ating gobyerno nang dumating ang 4Ps sa buhay namin.
Noong panahong iyon malapit ng magkolehiyo aming bunso. Halos wala kaming ipon ng asawa ko dahil lahat ng aming pera ay ginugol namin sa aming mga anak lalo na sa kanilang pag-aaral. Bumalik sa pag-aaral ang aking panganay noong 2012 at napagtapos niya ang kanyang kurso sa tulong ng kanyang scholarship mula sa programa na “Tulong Dulong” ng aming Congressman.
Malaking tulong ang naibigay ng 4Ps sa amin. Sa buwanang Family Development Session, maraming napagtanto at aral ang nakuha naming mag-asawa. Hindi lang kami ginabayan sa paggamit ng maayos sa ayudang aming nataggap, tinuruan din kami kung paano makatulong
sa komunidad bilang mamamayan. Wala kaming paltos sa pagsali ng lahat ng mga aktibidades ng barangay, gaya ng pagsali ng Barangay Assembly ng KALAHI-CIDSS. Hinikayat din kami ng aming Municipal Link Officer na magtanim ng mga gulay sa aming bakuran. Hindi pa dito nagtatapos ang tulong na ibinahagi ng 4Ps sa amin, dahil noong 2014 isa si Cristy Ann sa napiling maging eskolar ng Expanded Students Grants-in-Aid Program for Poverty Alleviation (ESGP-PA). Noong panahon na iyon nasa ikalawang taon na siya sa kolehiyo bilang Secondary Education English Major sa Surigao State College of Technology, sa Surigao City.
Ang perang natatanggap namin mula sa 4Ps ay hinati namin para sa aming apo, at sa aming dalawang kolehiyong anak. Nakatanggap ng grants ang aking asawa mula sa SEA-K ng DSWD. Ginamit naming itong puhunan sa pagpapatayo naming ng baboyan. Namasukan bilang kasambahay ang aking asawa ng dalawang taon para mapagtapos namin ng sabay-sabay ang aming mga anak. Alam kong sa antas ng buhay namin, ang magkaroon ng dalawang anak na parehong nasa kolehiyo ay hindi madali. Minsan, ang bunso ko ay inaagahan nalang ang tulog sa hapon para hindi na siya kakain ng hapunan ng sagayon makakatipid na siya.
Natapos ni Gerric ang kanyang kurso noong 2016 at sumunod naman ang aming bunso na nakapagtapos noong 2017. Naging licensed engineer si Gerrick matapos niyang maipasa ang board exam noong 2017, ganoon din si Cristy Ann na naipasa ang kanyang teacher’s board examination.
Hindi madali ang dinanas naming mag-asawa pero kinaya namin. Pangarap ang nag-udyok sa aming tapusin ang nasimulang laban (laban sa kahirapan), ito ay sinabayan ng sipag, tiyaga at paalala ng Diyos. Hindi madali pero kinaya naming lahat. Ngayon ipinagmamalaki kong may Engineer at Teacher na ako, damang-dama na namin ang bunga ng lahat ng aming sakripisyo. Kaya ngayon hindi man magara ang aming tahanan, hindi na ito tulad ng dati na madaling matumba sa panahon ng hangin at ulan.
Totoo pala na kaya naming tumawid sa kahirapan na minsan pinangarap lang namin. Handa na kaming ipaubaya sa iba ang pribelihiyong ibinigay ng 4Ps sa amin. Sana mas marami pa itong matulungan na mangarap, lumaban, at tumawid sa kahirapan. #