Sa Mata ng Batang 4Ps
ni Jessel Ann C. Bodiongan ng Lanuza, Surigao del Sur
Ang buhay ay hindi madali para sa amin na mga mahihirap. Marami na kaming naranasan na sakit at hirap. Nang sinulat ko itong salaysay ng buhay ko, o salaysay ng buhay ng aking pamilya, napaluha ako.
Noong nasa ikalawang baitang pa ako, si Papa ay umaalis ng madaling araw para pumunta sa aming palayan, at ang aking ina ay nagtatrabaho sa Cebu bilang katulong. Kaya madalas ako lang ang naglalagi sa bahay. Sa tuwing kumakain akong mag-isa, biglang naiisip ko kung kalian kami magsasamang kakain ng buo. Minsan ang ulam ko ay toyo (patis) kapares ng kanin lang kasi hindi pa ako marunong magluto ng iba’t-ibang putahe ng ulam. Kalaunan ay naging paborito ko itong kainin dahil kuha nito ang lasa ng sabaw adobo. Naranasan rin namin na ang ulam ay asin, ginamos, at tuyo. Kapag sumasapit ang gabi, lagi akong umiiyak yakap ang unan ng aking ina, dahil sa sobrang pangungulila ko sa kanya. Gusto ko na umuwi na siya para kompleto na kami, ngunit noon ay hindi pa niya magawang umuwi dahil nag-iipon pa siya para makabayad kami sa aming mga utang, at para mapaayos ang aming bahay.
Lubos akong nagpapasalamat at masasabi kong kami ay pinagpala na sa milyon-milyong tao sa Pilipinas, isa ako o aming pamilya na napabilang sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps). Ngunit ang mas pinagpapasalamat ko ay dahil sa 4Ps, umuwi si Mama kasi siya ang household grantee na napabilang sa Programa. Lubos ang aking kasiyahan dahil mayroon ng naglalaba, namamalansta ng aking mga damit, at nakakain na rin ako na maayos at masarap na pagkain na niluluto niya. Noon, pumapasok ako sa paaralan na gusot ang blusa at palda at naka tsinelas lang ako. Naranasan kong magsuot ng sira at butas na sapatos kaya minsan tinatawanan ako ng ibang mag-aaral. Nakapagsusuot lang ako ng sapatos kapag may bisita sa paaralan gamit ang medyas na maluwag kaya tinatalian ko ito ng goma para hindi ito tuluyang mahulog. Kaya naman, noong first cash grant na natanggap namin ay hindi ko malilimutan dahil ang una nilang binili sa akin ay dalawang pares ng medyas.
Dahil sa programang ito alam kong unti-unti nang magwawakas ang aming paghihirap. Alam ko na sa pamamagitan ng programang ito makakapasok na ako sa paaralan at hindi na kami magugutom dahil sa cash grants na natanggap namin para sa aming kalusugan, lalo na sa pag- aaral.
Nakapagtapos ako ng elementarya sa tulong ng aking magulang, at ng 4Ps. Nakapagtapos ako na may pitong medalya bilang isang 3rd honorable mention. Sinabi ko sa sarili ko, pagbubutihin ko aking pag-aaral upang ako’y makapagtapos at magkaroon ng trabaho nang sa gayon ay makatulong na ako sa kapwa ko. Hindi ko sasayangin ang tulong pinansyal ng gobyerno sa akin at sa aking pamilya. Noong ako ay nasa high school, ipinagmamalaki ko na honor student ako (Grade 8 – Grade 10). Ngayon na Grade 11 na ako kumukuha ng STEM strand sa Madrid National High School kahit sa kalagitnaan ng pandemya, ay nasa honor roll pa rin ako, at sana ay magtuloy-tuloy na ito.
Hindi lang ako aktibo sa paaralan, ako rin ang presidente ng Youth Ministry sa aming simbahan. Paglilingkod sa ating Panginoon bilang presidente ay isang karangalan para sa akin. Noong akoy dumalo sa Youth Development Session (YDS), marami akong natutunan tungkol sa 4Ps – kung bakit kami napabilang dito, ano-ano ang mga layunin ng programa, at ang mga ipinagbabawal sa programa. Hindi ko talaga makalimutan ang sinabi ng Municipal Link na ang layunin ng 4Ps ay, “to break the inter-generational cycle of poverty,” kaya napaisip ako na ito’y isa talagang instrumento galing sa Maykapal. Maraming tulong ang aming natanggap mula sa 4Ps tulad ng tulong pinansiyal para sa aking pag-aaral, pang-araw-araw na gastusin lalo na sa baon at uniporme, at higit sa lahat ang mga natutunan ng aking mga magulang tuwing may buwanang Family Development Session.
Naniniwala ako na ang bawat patak ng pawis ay parang katumbas ng piso. Mas nagkakaroon ng kahalagahan ang pera kung alam mong pinaghirapan mo ito. Ito ang maipangako ko sa gobyerno at sa Programa, na pagbubutihin ko ang aking pag-aaral hanggang ako ay makapagtapos at makapagtrabaho. Pinapangarap ko na isang araw ay ako naman ang tutulong sa mga taong mahihirap. Maraming salamat 4Ps dahil hindi ko na kinakailangan pa ng goma upang itali sa medyas kong maluwag. Dahil rin sa iyo, hindi na ako nag-iisa dahil buo na kami. Sapagkat hindi ko na nakikita ang sarili ko na palaging nag-iisa sa bahay noon. Ipagmamalaki ko at ipagmamayabang na ako ay isang batang 4Ps at ito ang salaysay ng buhay ko. ###(Social Marketing Section/DSWD Field Office Caraga)