Ang pamilyang Salise ay isa lamang sa mga maraming pangkaraniwang pamilya na naninirahan at namumuhay sa isang liblib na pamayanan sa Bayan ng Rosario, partikular sa barangay Bayugan 3 sa loob ng labing tatlong taon. Ang pamilyang Salise ay binubuo ng apat na anak at dalawang magulang. Sila ay nabubuhay sa pamamagitan ng pagsasaka at pagtulong sa kapwa. Ang bahay nila ay gawa sa kahoy at yero, at nakatayo ito sa gilid ng isang malawak na palayan na makikita isa’t kalahating kilometro ang layo mula sa sentrong bahagi ng bayan. Kahit salat sa marangyang pamumuhay, nanatili silang masaya, mapagmahal, at matulungin habang nakikipagsapalaran sa araw-araw na hamon ng buhay.
Katulad ng maraming normal na pamilya, hindi maiiwasan ang pag-aaway at hindi pagkakaintindihan. Pero sinisigurado ng bawat miyembro na walang problema at pagkakaiba ang makasisira sa kanilang relasyon bilang pamilya. Ang ganitong pag-iisip at ugali ay makikita sa klase ng kanilang pakikipag-ugnayan sa kanilang mga kapitbahay at kaibigan sa pamayanan. Dahil dito, sila ay nagkaroon ng maraming kaibigan at oportunidad na makatulong.
Sa kasalukuyan, pagsasaka ang siyang ikanabubuhay ng buong pamilya. Dalawang beses sa isang taon ang pagtanim at pag-ani ng palay na naayon sa kapanahunan nito. Halos humigit kumulang apat na ektaryang lupa ang kanilang inuupahan sa halagang apat-napong sako ng palay ang bayad sa renta na siyang sinasaka ng buong pamilya. Kung maganda ang ani, umaabot sa mahigit 200 ka sakong palay at ito’y kanilang ipanagbibili sa mga umaangkat na pribadong indibidwal sa karatig na bayan. Pero hindi lahat ng panahon ay naging maganda sa kanila. Taong 2016-2017, sunod-sunod ang bagsak at bigong ani na dulot ng tagtuyot. Ayon kay Noel, ito ang naging mitsa sa kanilang palaging pag-aaway dahil unti-unting nabaon sila sa utang. Palaging mainit ang kanilang ulo at mas pinipili ni Noel makipagusap sa mga kasama at katrabaho sa BARC at BAW upang maibsan ang dinadalang bigat kaysa makipag-usap sa asawa sa bahay. Ayon kay Noel, naging mainitin ang kanyang ulo dahil siya ay nabibigatan sa mga bayarin at ang kawalan ng mapagkitaan.
Pero ipinagpasalamat ng mag-asawa na hindi sila sumuko sa bawat isa at patuloy silang lumaban hanggang sila’y nabigyan ng oportunidad na makapagtrabaho bilang time keeper sa irrigation construction sa kanilang barangay at kahit papaano kumikita siya ng P380.00 araw-araw sa loob ng tatlong buwan. Sa awa ng Diyos, kanilang nalampasan ang pagsubok dulot ng kawalan ng pagkakakitaan.
Ang mag-asawang Alma at Noel ay mas naging aktibo sa pakikilahok at pagbibigay mungkahi at magagandang ideya ukol sa ikaka-unlad ng kanilang komunidad. Dahil sa kanilang kusang-loob na makilahok at sa kagustuhang magserbisyo sa komunidad, sila ay naging kasali sa iba’t ibang makabuluhang ganap sa komunidad bago paman sila naging miyembro ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program noong 2019. Si Alma Salise ay naging bise-presidente ng organisasyon ng Kababaihan sa kanilang barangay mula taong 2017-2019. Siya rin ay isang purok opisyal mula taong 2018 hanggang sa kasalukuyan. Siya rin ay naging Sekretarya ng BAMUFA or Bayugan 3 Muyong Farmer’s Association sa taong 2011 hanggang ngayon.
Siya ay palakaibigang tao at palaging nangungumusta sa kanilang mga kapitbahay kung siya ay may oras. Nakikita ng mga tao na siya ay maasahan at handang tumulong sa mga nangangailangan. Si Noel naman ay kasali sa mga boluntaryong gawain sa komunidad na pinangungunahan ng kanilang barangay. Siya ay naging Barangay Chieftain sa Tribo ng Mandaya sa loob ng tatlong taon sa Compostela Valley bago pumisan sa Rosario. Nang siya ay nanirahan na sa Bayan ng Rosario, siya ay napiling tagapangasiwa sa Barangay Agriculture Program bilang Barangay Agricultural Worker sa loob ng anim na taon, mula 2012-2018. Siya ay naging masipag at tapat na lingkod sa kanyang trabaho. Kasabay ng pagiging BAW, siya rin ay boluntaryong tumanggap ng pagiging Barangay Agrarian Reform Committee Chairman mula sa taong 2016 hanggang sa kasalukuyan.
Dahil sa pagiging totoo at tapat sa paglilingkod, si Noel ay naging daan kung saan natulungan niya ang kanyang kababayan na mabigyan ng ligtas na tubig inumin sa pamamagitan ng paghiling ng isang Jetmatic o Poso sa SDMP ng Philsaga Mining Corporation na matagumpay namang naibigay sa kanila. Ang kanilang pangangailangan sa ligtas na tubig ay nagsimula sa kadahilanang ang kanilang lugar ay malayo sa bayan at walang level 3 water connection na nakararating sa kanila. Dati rati, bumibili pa sila sa bayan ng tubig inumin sa halagang bente pesos kada sisidlan o container. Isinasakay nila ang mga container gamit ang motorsiklo para mahatid patungo at pabalik sa kanilang mga kabahayan. Naging pahirapan pa ang kanilang biyahe dahil dumadaan sila sa isang masukal at maputik na farm to market road. Ang farm to market road nila ay hindi nagawang mabigyan pansin sa mahabang panahon ng nauukulan, at sa tuwing uulan, ang tubig na sanay dumadaloy sa kanal sa gilid ng daan ay dumadaloy sa mismong daanan na ang naging bunga ay ang lubak-lubak na daanan. Kahit na sa tag-init, ang kanilang daan ay isang malaking hadlang sa kanilang pang araw-araw na buhay. Ito rin ang dahilan kung kaya minsan, pahirapan ang pag-iigib ng tubig na nag-udyok sa mga tao na gumawa ng mga paraan upang makakuha ng tubig.
Ang ginawa nila ay naglagay sila ng malinis na mga graba sa loob ng container at lagyan ito ng tubig na galing sa Muyong sapa na may kulay kayumangi. Pinapalipas nila ng ilang oras hanggang ang mga lupa at iba pang elemento sa tubig ay lumubog at didikit sa mga graba. Pagkatapos hinihiwalay nila ang malinis na tubig sa lubog. Pinapakuluan nila ito para gawing tubig na iniinom at ginagamit sa pagluluto. Naging ganito ang klase ng pamumuhay nila sa loob ng maraming taon bago sila nabigyan ng Jetmatic na kalaunay inupgrade ng Provincial Engineering Office at ginawang Water Dam na de kuryente, sa bisa na rin ng liham na ginawa ni Noel.
Pagkatapos ng problema sa tubig, humanap naman ng solusyon si Noel para sa farm-to-market road nila. Pinagtulungan ng mag-asawa ang pagawa ng liham ng paghiling para parin sa SDMP ng Philsaga Mining. Nakapaloob sa liham ang hiling na mabigyan sila ng dike, mapalalim ang kanal, at mabigyan ng mga graba para punan ang mga lubak-lubak na daanan upang mas magiging madali at ligtas ang mga biyahero na dumadaan patungong bayan. Binigyan sila ng kompanya ng P150,000 para sa kanilang hiling at ito’y nagamit upang mapunan at maisaayos ang daan na hangang 500 meters na layo ang inabot sa kabuuang halaga ng dike at graba. Naging parte din si Noel at Alma sa pagtulong na masuri ang lupang sinasaka ng karamihan sa kanila bilang isang Volunteer BARC or Brgy Agrarian Reform Committee Chairman.
Kahit na walang sweldo, naging masigasig at masipag si Noel sa kanyang tabaho. Kahit sa away sa lupa, naging tagapamagitan siya at naging daan upang maresolba ang mga alitan. Sa lahat ng mga nagawa ni Noel, naging katuwang at inspirasyon niya ang kanyang asawa at mga anak. Pinagsasabay ni Noel ang mga gawaing ito at ang pagiging padre de pamilya habang nag hahanap-buhay para sa araw-araw na pangangailangan nila.
Ang mga anak naman ni Alma na sina Brylle at Vinz ay nakahiligan ang sports at naging matagumpay naman dahil naging provincial varsity si Brylle sa Basketball habang si Vinz ay mahusay na manlalaro ng sepak takraw at sa paligsahan sa pagtakbo. Si Brylle ay palakaibigan at nagpokus sa paglalaro ng basketball at pagbantay sa dalawang nakababatang kapatid, habang si Vinz naman ang naging katimbang ng mag-asawa sa pagsasaka. Nananatiling inspirasyon ang pamilyang Salise sa kanilang komunidad hanggang ngayon. ###(Social Marketing Section/DSWD Field Office Caraga)