Salaysay ni Inay
Ni Arlyn Enayon Torrion ng Barangay Tigbao, Cagdianao, Dinagat Islands
Ako si Arlyn Enayon Torrion, apat napu’t-walong (48) taong gulang at ako ay ikinasal noong Mayo 09, 1992 kay Ireno Villacorte Torrion, Jr. Kami ay biniyayaan ng limang (5) anak, tatlo (3) sa kanila ay lalaki, at dalawa (2) ay babae. Sa kasalukuyan ay may dalawa (2) na akong apo na babae. Kami ng aking pamilya ay naninirahan sa Purok-6, Sitio Santo Nino, Tigbao, Cagdianao, Province of Dinagat Islands. Ang hanapbuhay namin ay ang pagsasaka at pangingisda. Ako ay nakapagtapos ng sekondarya at ang aking asawa ay sa elementarya.
Mahirap lamang ang aming pamumuhay noon sapagkat sa dagat kami umaasa para sa aming hanapbuhay, subalit ito ay lingid pa sa aking kaalaman noong bago ako mag-asawa. Ang nasa isip namin dati basta mahal namin ang isat-isa ay tiyak malalagpasan namin ang kahit anumang problema. Merong mga panahon na inaaway ko ang aking asawa dahil ang kanyang ibinigay na kita ay kulang lang sa aming pag-araw-araw na pangangailangan. Napakahirap talaga ng buhay kapag walang nadudukot na pera sa bulsa para pangbili man lang ng pagkain.
Pagkaraan ng isang taon ng aming pagsasama, nagdadalang-tao na ako sa aking panganay na anak. Naging mas mahirap ang aming buhay na naging dahilan upang ako ay hindi makapunta sa health center para magpakonsulta at hindi makabili ng aking mga bitamina sa pagbubuntis. Baon kami sa utang sa tindahan dahil wala kaming ibang matatakbuhan. Hindi na kami humingi ng tulong sa pamilya namin, dahil mahirap din ang kanilang buhay. Makalipas ang maraming taon, naging apat na ang aming mga anak, sila ay sina Jomar, Elmar, Diane, at Jay Renie. Hanggang ngayon naaalala ko pa, palagi akong umiiyak dahil hindi ko sila mabigyan ng maayos na edukasyon. Palagi kong pinagdarasal na sana ay may tumulong sa amin sa pagpapa-aral sa mga anak ko at mabigyan kami ng maginhawang pamumuhay.
Noon taong 2007, may dumating na mga enumerators mula sa ahensya ng Department of Social Welfare and Development sa aming lugar para mag house-to-house survey. Inisip ko noon na ito na siguro ang sagot sa aking mga dasal. Sa panahong iyon, labis akong nagdamdam dahil unti-unti nang nawawalan ng ganang pumasok sa paaralan ang aking mga anak dahil sa malayo ang paaralan na pinapasukan. Kinakailangan pa nilang maglakad ng tatlong kilometro araw-araw para makarating sa paroroonan.
Sa kabutihang palad, laking pasasalamat ko sa Panginoon nang maging myembro ako sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) noong taon 2008. Nabuhayan ako ng loob nang mga panahong iyon sapagkat nagkaroon ako ng kaagapay sa pagpapaaral sa aking mga anak.
Naging parent leader ako ng aming grupo mula noon hanggang sa kasalukuyan. Marami akong nasalihang mga programa ng DSWD tulad nalang ng livelihood program na tinawag na SEA-K na ngayon ay Sustainable Livelihood Program (SLP) na, kung saan 23 households mula sa 4Ps ang nakasali dito at pinahiram ng sampung libong piso (P10,000) para pamuhunan sa aming napiling negosyo na kailangan maisauli sa loob ng tatlong (3) taon. Sa tulong ng mga DSWD staff, naitayo namin ang association na tinawag naming Maabtikon Self-Employment Assistance Kaunlaran Association (SKA) na kung saan ako ang itinalagang president. Ginawaran ang aming asosasyon ng Certificate of Recognition for Outstanding Self-employment Assistance-Kaunlaran Association mula sa Local Government Unit ng Cagdianao, dahil sa aktibong pagbabayad at pakikilahok sa lahat ng aktibidades ng LGU. Iba’t-ibang trainings na ang aking nasalihan dahil sa 4Ps. Nakadalo ako ng Gender Sensitivity Training, Leadership Training, Bookkeeping, Entrepreneurial Seminar, at iba pa. Sa kabilang banda, ako ay isang Barangay Health Worker simula noong 1999 at nagamit ko ito upang mas makumbinsi ko ang mga kapwa ko benepisyaryo na magpacheck-up sa health center at dumalo sa mga aktibidades ng Department of Health para mapanatili ang malusog at masiglang pamilya.
Naging makabuluhan ang aking pagsali sa Family Development Session para sa pagpapaunlad ng aking pamilya. Bilang isang ina na hindi nakapagtapos ng pag-aaral, alam ko sa sarili ko na hindi hadlang ang edad at estado sa buhay upang matuto tayo. Dahil sa FDS, natutunan kong maging mas matatag, mas aktibo sa pamayanan na may pagpapahalaga sa isa’t-isa, at makiisa sa lahat ng pagbabago tungo sa pag-unlad ng pamilya at pamayanan, at maging disiplinado tungo sa maunlad na kinabukasan. Bilang parent leader, ako ay natutuwa dahil natutunan kong maging matapang, tapat, maasahan, may tiwala sa sarili, at may takot sa Panginoon.
Malaki ang naging tulong ng pagiging aktibo ko sa mga programa ng gobyerno, isa na dito ang pagiging pamilyar sa ibat-ibang ahensya ng gobyerno. Dumating ang isang pagkakataon na napag-isipan kong pumunta sa lokal na opisina ng Department of Agriculture (DA) para alamin kung paano makapasok sa kanilang livelihood program. Sa kabutihang palad, nalaman ko na meron silang dispersal sa baboy. Hinikayat ko sila na sana makarating sa aming komunidad para mas marami pang mahihirap ang matulungan. Nagagalak akong sumali sa mga trainings at napili akong maging Local Farmer Technician sa sa Agri-Pinoy Rice Program noong 2017 na merong P3,000 na monthly incentives. Maliban dito, itanayo namin ang Zinnia Women’s Association na kung saan ang layunin ay mapangalagaaan ang karapatan ng mga kababaehan at ako din ang itinalagang president ng asosasyon. Ang asosyasyon ay accredited sa lokal na opisina ng Municipal Social Welfare and Development Office at Department of Agriculture.
Upang mas matulungan ko pa ang aking asawa sa paghahanapbuhay, nag-lakas loob akong mag-apply sa aming Barangay Office bilang Record Keeper at ako ay natanggap at sa kasalukuyan ay naitinalagang Barangay Treasurer noong 2019. Laking pasasalamat ko sa Panginoon dahil lubos-lubos ang mga biyayang kanyang binigay sa akin, at sa aking pamilya.
Hindi maiiwasan ang pagkakaron ng problema. Hindi ko malilimotan ang mga panahong malaman kong nabuntis ang anak kong babae na si Diane sa edad na labing-anim. Sobra akong nasaktan sa nangyari at umabot sa punto na kinwestyon ko ang aking sarili kung saang aspeto ako nagkulang sa pagpapalaki sa kanila. Alam kong hindi ako ang unang ina na nakaranas ng ganitong problema sa kanilang mga anak pero lubha talaga akong nasaktan. Pero inisip ko na isa lang itong pagsubok sa buhay. Nadapa man pero kailangang bumangon para sa pamilya. Tinanggap ko ang nangyari at inalagaan ko ang aking anak dahil alam kong mas kailangan niya ako sa panahong iyon. Sabi nga nila, walang makakadaig sa pagmamahal ng isang ina. Ngayon, dalawang-apat (24) taong gulang na siya at masayang kasama ang kang bagong pamilya.
Bilang magulang ng limang (5) anak, pinag-iigihan naming mag-asawa na turuan silang magtulungan para sabay-sabay na umangat sa pamumuhay, at hindi dapat mag-inggitan at magsiraan dahil sa huli, sarili mong pamilya ang tatanggap at aalalay sayo ano man ang mangyari.
Sa ngayon, nag-aaral ang anak kong si Jay Renie sa koliheyo sa kursong Bachelor of Science in Computer Programming. Siya ay myembro ng LGBTQ+ community, at tanggap namin ang kanyang pagkatao dahil hindi naman ito hadlang upang maabot niya ang kanyang mga inaasam na pangarap. Samantala, dahil huminto sa pormal na edukasyon ang anak kong sina Elmar at Diane, pinapaaral namin sila ngayon sa Alternative Learning System (ALS) sa ilalim ng ahensiya ng Department of Education.
Sa ngayon, nagsisikap ang aming pamilya maghanap-buhay, ang mga anak namin na si Jomar at si Elmar ay merong lobster culture habang ang anak naming babae na si Diane ay merong sariling maliit na sari-sari store. Kami ring mag-asawa ay merong maliit na negosyo na nagbebenta ng 45-days na manok. Pangarap naming mag-asawa na mapalago ang aming negosyo pati na rin sa mga anak ko. Palagi kong dinadasal sa Panginoon na bigyan kami ng malakas na pangangatawan para may lakas sa pang araw-araw na gawain. Dahil sa pagdarasal, tatlo lamang ang sagot ng Panginoon, una ay “Oo bibigyan ka; pangalawa ay maghintay tayo; at ang pangatlo ay hindi dahil nakakasama ito sa atin, at mayroong mas magandang plano Siya para sa atin.”
Gagawin namin ang lahat para umunlad sa pamamagitan ng pagsisipag, pagtitiwala sa sariling kakayahan, pagkakaroon ng lakas ng loob sa pagharap ng mga hamon sa buhay, at pagiging positibo sa pananaw, at higit sa lahat, ang pagtutulungan para sabay-sabay tayong umangat sa buhay. ###(Social Marketing Section/DSWD Field Office Caraga)