Kwento ni Tatay
Ni Marmilou Fermilan ng Barangay Cabayawan, Dinagat, Province of Dinagat Islands
“Hindi madali ang buhay,” ito ang kadalasang naririnig natin sa karamihan, kabilang ako sa mga magpapatunay nito. Bilang haligi ng tahanan at tagapagtaguyod ng pamilya, responsibilidad ko ang maghanap-buhay at dumiskarte. Nag-aaral pa ang mga anak ko at bilang ama masakit isipin na hindi ko naibibigay lahat ng pangangailangan nila.
Isang araw may bumisita sa aming munting barangay at isinagwa ang survey para sa isang programa ng gobyerno, at sa kalaunan ay naging miyembro ako nito. Simula noon, naging katuwang ko ang programang ito sa pagpapalaki, paglilinang, at pagpapaaral sa aking mga anak. Unti-unting guminhawa ang dating buhay na halos isang kahig isang tuka. Ako si Marmilou Fermilan, at ito ang aking kwento.
Sa mga panahong wala pa ang programang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ng DSWD, hindi mabilang ang hirap na dinanas ng aking pamilya at pilit na hinahanapan ng solusyon ng magkasama. Sa almusal, tanghalian, at hapunan ay natuto kaming makontento sa kamoteng-kahoy, saging, at bagoong na nakahain sa aming hapag-kainan. Sa kabila nito, masaya parin kaming nagtitipon-tipon at pinagsasaluhan ang nakahaing biyaya galing sa Maykapal. Nasubok ang katatagan nang magsimula ng mag-aral ang mga anak ko. Mahirap at nakakapagod maghanap-buhay pero kinakaya ko para sa pamilya. Habang sila ay nagkakaedad at umuusad ang baitang, tumataas din ang kanilang mga pangangailangan. Ako ay lubhang nahihirapan sapagkat kinakapos ang aking kita para matustusan ang aking pamilya. May mga pagkakataon na hindi ko namamalayan na tumutulo na pala ang luha sa aking mga mata, habang nakaupo at umaawit na nakaharap sa dalampasigan.
Ngunit, nagpapasalamat naman ako sa aking mga anak na laging umiintindi sa sitwasyon na mayroon kami. Hindi ko sila narinig na nagrereklamo at natutong makuntento sa kung anong mayroon sa kanila. Nakikita kong nagsisikap at nagpupursigi ang aking mga anak sa pag-aaral at ito ang nagbigay sa akin nang karagdagang lakas para mas magsipag pa sa paghahanap-buhay. At isang araw, nabalitaan ko na may programa raw na tumutulong at nagbibigay suporta sa mga pamilya lalong-lalo na sa may mga anak na nag-aaral, kaya hindi ako nag dalawang isip na pumunta at nag-parehistro.
Taong 2009 nang kami ay mapabilang sa 4Ps. Lubos ang aming kalagakan nang kami ay nabigyan ng pagkakataon na maging myembro nito. Dahil dito, kami ay nagkaroon ng katuwang at sandigan pagdating sa usaping pinansyal. Sa tulong ng programang ito, nabibili na namin ang mga pangangailangan ng aming mga anak lalo na sa kanilang pag-aaral. Nariyan ang kasuotan, mga kagamitan sa pagsulat at pagbasa, at mga kailangan sa paaralan upang makapasa. Naging mas aktibo sila sa paggawa ng kani-kanilang mga gawain. Upang masigurado na makasabay ang aming mga anak, sa tulong ng 4Ps, nabibili ang mga masustansiyang kailangan ng kanilang katawan. Bilang haligi ng tahanan, ginagawa ko lahat ng aking makakaya upang maibigay ko ang pangangailangan ng aking mga anak. Sa kabila ng malungkot na katotohanan na ako ay hindi nakapagtapos ng pag-aaral, ang aking bangkang de-makina ang katuwang ko sa pangingisda upang kumita at matustusan ang pamilya. Sa tulong ng programang ito, nakabili ako ng mga kagamitang pandagat na higit na nakatulong sa aking pamilya. Nakikita ko na unti-unti nakakaahon sa hirap ang aming pamilya at muling nakita ang mga ngiting pilit ninanakaw ng kahirapan.
Ang aming pamilya ay muling sinubok ng panahon, kaming mag-asawa ay nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan na humantong sa hiwalayan. Nakita kong lubhang naapektuhan ang aming mga anak subalit hindi namin nasolusyonan ang problema sapagkat nag-iba ang hangarin sa buhay. Siya ay umalis at nagtungo sa ibang lugar at ang aming mga anak ay naiwan sa akin. Kahit ganoon ang nangyari, hindi ako nagpatinag at nagpadaig sa lungkot na nararanasan ng buong pamilya para umusad mula sa kahirapan. Naging lakas ko ang aking mga anak at nakikita ko na sila ay nagpapakatatag rin sa pagharap sa unos na kailanman ay hindi inaasahang aabot sa ganoong sitwasyon.
Natutong magsakripisyo ang bawat isa, sa pamamagitan ng pagsasantabi ng mga sariling kagustuhan upang makatipid at matustusan ang pangangailangan. Sinusuportahan nila ang isa’t-isa, naghihiraman ng masusuot sa tuwing may pagtitipon o programa sa paaralan na kailangan na salihan. Sa mga kagamitang pang-eskwela, ang nag-iisang gamit ay pinapahiram sa kung sino ang lubos na nangangailangan nito. Dumaan ang maraming taon, unti-unting naghilom ang sugat na tinamo nang bawat myembro ng pamilya galing sa mapait na karanasan dulot ng pangyayari. Gayunpaman, nanatiling nakatayo, oo minsan man ay nadadapa pero may lakas na tumayo ulit. Pinagtibay ng sitwasyon, panahon at sa tulong ng ating Panginoon, lumalaban para sa ikagiginhawa ng aming pamilya at makatawid sa araw-araw na hamon ng buhay.
Bilang miyembro ng 4Ps, masasabi ko na napakaganda ng mithiin ng programang ito, bukod sa tulong pinansyal nagbigay din ito nang karagdagang kaalaman sa paghubog ng sangkatauhan at gabay para sa mga anak. May iba’t-ibang programa ang gobyerno na nagbibigay ng oportunidad na makapagtrabaho, isa na dito ang fisherfolks association, kung saan kami ay nagtanim ng mangrove bilang proteksyon sa mga malalaking alon na maaaring makapinsala sa mga kabahayan na nakatira sa gilid ng dagat. Bukod riyan, nagiging tirahan rin ito ng mga isda at dito sila nagpaparami. Nariyan rin ang programa ng DOLE na kung saan kami ay nagkaroon ng community service, at isa sa naging proyekto ay ang pag-aayos ng mga sirang kalsada at paglilinis ng daan. Kahit na nakakapagod, masaya pa rin sapagkat naipapakita ang nakagawian nating mga Pilipino na pagbabayanihan o pagtutulungan na nagsisimbolo nang pag-asang umulad.
Nariyan din ang mga aktibidad ng KALAHI CIDSS – NCDDP, na kung saan ay nabibigyang tugon ang mga opinyon ng mga tao upang maging mas epektibo ang mga proyektong gagawin at mas makatulong pa sa maraming Pilipino na naghihirap sa buhay. Ang aking pamilya ay isa sa mga natulungan, na noon ay sobrang nangangapa sa madilim na kalagayaan dahil sa hirap ng buhay at ngayon ay napapalitan ng ngiti at liwanag dahil sa pag-asang bigay ng iba’t-ibang programa ng pamahalaan. Nabuksan ang lahat ng opurtunidad na ito dahil sa 4Ps.
Ipinapaabot ko ang aking taos-pusong pasasalamat sa 4Ps sa pamamagitan ng pagbahagi ko ng aking kwento. Ako’y lubos na nagpapasalamat sa tulong at suporta na nabigyan ng pagkakataon ang bawat pamilyang naghihirap na maabot ang minimithing tagumpay sa buhay. Nagsilbing tulay ang programang ito para maitawid ang bawat pamilya hindi lamang sa kahirapan, kundi nagbibigay din ng karagdagang lakas at pag-asa para magpatuloy sa buhay. Sa pamamagitan ng pagsisikap at pagtitiyaga, lahat ng mga imposibleng bagay ay naisasakatuparan.
Isa ako sa sumasaludo sa mga taong nasa likod ng programang ito. Kasama kayo sa tagumpay na natatamo ng pamilyang ito dahil dito nakapagtapos ang panganay kong anak sa pag-aaral. Hindi maipinta ang ngiti ng naidulot nito sa aking mga labi. Isang tagumpay na maituturing kong kayamanan sa tulong ninyo at sa ating Panginoon na patuloy na gumagabay sa ating lahat. Hanggang dito nalang ang Kwento ng isang tatay, tulad nga ng sabi nila na hindi madali ang buhay, ngunit tayo rin mismo ang may hawak ng manobela, kaya tayo ang magmamaneho sa bangka ng ating pag-ahon. ###(Social Marketing Section/DSWD Field Office Caraga)