Salaysay ni Inay
Ni Marianita A. Valencia ng Brgy. Guadalupe, Esperanza, Agusan Del Sur
Sa likod ng matagumpay na buhay na tinatahak ng pamilyang Valencia ngayon, mayroong isang inang nagsusumikap na maiahon ang kanyang pamilya sa kahirapan. Isang ina na nagsisilbing ilaw ng kanilang simpleng tahanan.
Ako si Marianita Valencia, 54 taong gulang na nakatira sa Brgy. Gudalupe, Esperanza Agusan Del Sur. Ako ay may anim na anak kay Leonardo Valencia – sina Richard, Leonar, Cindy, Cherryl, Reymark, at Christian James. Bago paman kami naging bahagi ng programa ng Pantawid, isang malaking pagsubok na ang pagtataguyod ng pag-aaral ng aking mga anak. Nag-aalaga kami ng baboy at may kaunting sinasakang lupain para pantustos ng kanilang pag-aaral. Namamasada rin ng motorsiklo ang aking asawa na siyang pinagkukunan namin ng makakain sa araw-araw. Isang malaking tulong nang kami ay naging benipisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) noong 2007. Ito ang naging pangunahing pinagkukunan ng aming panggastos sa pag-aaral.
Mahirap man ang buhay ay nagpapasalamat pa rin kami dahil nabiyayaan kami ng mga matatalinong anak. Nagtapos ng sekondarya sila Cindy at Cherryl na may pinakamataas na karangalang natanggap na nagbukas ng oportunidad sa kanila upang makapasok sa isang prestihisyosong unibersidad sa Manila. Nakapag-aral ng libre si Cindy sa De La Salle-College of Saint Benilde Manila bilang athletic scholar dahil sa angking kagalingan niya sa paglalaro ng Volleyball. Lumipas ang isang taon ay nakapasok din ang aking pangalawang anak na si Cherryl sa naturang paaralan bilang academic scholar. Iskolar man ang aking mga anak ay kailangan pa rin naming magsikap na masuportahan sila dahil mayroon din silang mga gastusing hindi sakop ng kanilang scholarship. Kaya’t pinagkakasya namin ang aming natatanggap na buwanang benipisyo para sa dalawang kolehiyo, isang sekondarya, at isang elementaryang anak. Nakapagtapos ang aking mga anak at nagkaroon ng magandang trabaho. Si Cindy ay naging isang opisyal ng Philippine Coastguard at si Cherryl ay itinalaga bilang Global Costumer Care – Representative sa isang internasyonal sa kompanya (Business Process Outsourcing). Ang kanilang pagtatapos ay isang napakalaking tropeyo sa aming mag-asawa sapagkat nalampasan at napagtagumpayan namin ang isa sa mga dagok na hinaharap ng aming pamilya.
Dalawang taong lumipas mula ng kami ay maging benepisyaryo ng programa, ako ay napili bilang over-all Parent Leader ng aming barangay. Ang Barangay Guadalupe ang may pinakamaraming benipisyaryo ng programa sa buong munisipalidad ng Esperanza. Dahil dito, ako ay nabigyan ng malaking resposibilidad na maipaabot sa aking mga kasamahang benipisyaryo ang mga layunin at benipisyo ng 4Ps. Naging kalahok ako ng Level 1 at Level 2 Capability-Building Trainings and Seminars for Parent Leaders na inilunsad ng DSWD FO Caraga. Ipinagmamalaki ko rin na isa ako sa mga parent leaders ng rehiyon na nabigyan ng pagkakataong sumali sa pambansang diskusyon tungkol sa pagsulong at pagsasabatas ng 4Ps. Ang sesyon na iyon ay isinagawa ng DSWD National Office noong 2016.
Taong 2013, ako ay hinakayat ng aking mga kasamahan sa programa na tumakbo bilang kagawad ng barangay. Ika nga nila “Manang, ang laki nang ambag mo sa iyong tahanan, bakit di mo subukang magbigay liwanag dito sa ating pamayanan.” Sa pagtutulungan ng aking mga kasamahan, ako ay naihalal na panlimang kagawad. Nasundan pa ito ng isa pang termino, at naibigay sa akin ng konseho ang komite ng edukasyon. Nabigyan ako ng pagkakataong makapagsilbi sa aming komunidad. Naging aktibo ang aking pakikilahok sa pamayanan at pagbibigay ng tulong sa mga nangangailangan. Naging tulay din ako sa mga usaping pagpapalaganap at paghihikayat sa pagtaas ng antas ng mag-aaral sa aming barangay, bilang ito ang isa sa mga kondisyon ng programa. Mahirap man ang aking trabaho, nakayanan kong lampasan ito – anumang lubak-lubak, o putik man ang madaanan.
Ang aking pamilya ay hindi lamang aktibo sa gawaing pampamayanan, kung hindi pati na rin sa simbahan. Sa kasalukuyan, ako ay isang myembro ng choir ng parokya ng Birhen ng Guadalupe. Si Reymark naman ay nagsilbing sakristan ng parokya. Ang pagsisilbi ng aming pamilya sa gawain ng simbahan ay pumupuno ng kasiyahan sa aming buhay. Ang mga aral na aking nakukuha sa pagiging alagad ng Panginoon ay malaking tulong sa aming mag-asawa sa pagdidisiplina at pag-gabay ng aming mga anak, ng sa gayon ay lumaki sila na may awa sa kapwa, at takot sa Diyos.
Mahirap man ang aking tungkulin bilang ina hindi lamang sa aming pamilya, kundi pati sa aking mga kasamahan sa programa at sa barangay, napakalaking kasiyahan naman ang naidudulot nito sa akin sapagkat marami akong natutunan na aking dala saan man ako mapunta. Mga aral at kaalaman na kailanman hinding hindi ko malilimutan. Mga aral na naging instrumento upang mapalago ko ang aking kakayanan bilang ilaw nga aming tahanan at nang munti naming pamayanan.
Sa kasalukuyan, kaming buong pamilya ay lubos na nagpapasalamat sa hatid na benispisyo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program dahil ito ay ang naging tulay upang maabot namin ang aming mga minimithi sa buhay. Ito ay patuloy na tumutulong sa bawat pamilya na mahubog lalong lalo na sa aspetong Edukasyon at Pangkalusugan ng aming mga kabataan. Ito rin ay isa sa mga naging gabay naming mga magulang upang itaguyod nang maayos at matiwasay ang aming munting pamilya; na kahit mahirap ka man, kung ikaw ay magsusumikap at may pangarap, talagang aahon ka sa dinadanas mong hirap.
Muli, ako si Nanay Marianita A. Valencia, hindi lang naging ilaw ng tahanan kundi pati na rin sa aming munting pamayanan. Ito ang aking natatanging istorya noong hindi pa kami naging benepisyaryo ng programa at kung anu-ano ang mga magagandang bunga hatid nito sa aming pamilya. ###(Social Marketing Section/DSWD Field Office Caraga)