Kwento ni Tatay
Ni Alexander Timbongan Castañeda ng Barangay Bayugan 3, Rosario, Agusan del Sur
Ang ama ang tinaguriang haligi ng tahanan. Sila ang nagbibigay ng matibay na pundasyon sa ating tahanan. Sila ang bumubuo upang ang isang tahanan ay maging matatag at matibay. Hindi biro ang pagiging ama, dahil maraming dapat gawin at higit sa lahat may malaking responsibilidad at obligasyon na nakaatang o nakapasan sa kanilang mga balikat. Katumbas ng pagiging ama ang pagsasakripisyo sa kanyang mithiin sa buhay maibigay lamang ang pangangailangan ng kanyang pamilya.
Ako si Alexander, 46, isinilang sa Udongan, Lapaz, Abra. Ako ay may asawa at pitong anak na sina Alexander Jr., Shem Vester, Aiffy Mae, Aifah Maria Mae, Aldhroied, Sy Vyll, at Styvyn. Ako ay 18 taon nang kasal sa aking maybahay na si Mildred. Kaming mag-asawa ay nagkakilala sa Dangbas, Abra. Ako ang tagapamahala ng mga tubero sa korporasyon ng Philsaga Mining Corporation Incorporated at sampung taon ng nagtratrabaho dito. Ako ay pangatlo sa aming magkakapatid. Ako ay nanggaling sa isang broken family, dahil hindi naging mabuting ama ang aking amain sa amin. Inuutusan kaming magkakapatid noon na magnakaw at kung wala kaming manakaw, ay binubugbog niya kami. Namatay ang aking tunay na ama ng di ko siya nasisilayan. Inihabilin kami ng aming ina sa mga kapit-bahay habang siya ay nagtratrabaho upang may matustos sa aming magkakapatid. Dahil sa aking karanasan, pinangarap kong magkaroon ng kumpleto at maligayang pamilya. Ipinangako ko sa aking sarili na magiging mabuting ama at asawa ako sa aking pamilya.
Nang ako’y nag-asawa, hindi naging madali ang buhay namin. Nakaranas kami ng maraming paghihirap na humubog sa amin sa kung ano kami ngayon. Napuntahan na namin ang maraming lugar mapa Luzon, Visayas hanggang umabot kami dito sa Mindanao makahanap lamang ng mas magandang pamumuhay. Matatawag kong mas mahirap pa kami sa daga noon. Pinagkakasya lamang namin ang aking sahod na P70.00 sa isang araw. Umabot kami sa puntong mas inuuna pa naming pakainin ang aming mga anak kahit wala ng matira sa aming pagkain. Malaking biyaya para sa akin na binigyan ako ng mabuting maybahay ng Panginoon. Nagtulungan kami para sa aming pamilya. Kahit anong hirap ang naranasan namin, hindi kami umabot sa puntong nagsisihan kami bagkus, mas pinagbigkis kaming mag-asawa upang mas maging matatag para sa aming pamilya. Sobrang hirap sa aking kalooban bilang isang ama na makitang naghihirap at nagtitiis ang aking pamilya lalo na at nakikita ko ang kakulangang matustusan ang kanilang pangangailangan.
Dahil dito, nagsumikap ako at pinagbutihan ko ang aking trabaho, mas dinoble, triniple ko ang aking pagsisikap. Ang gabi ay ginawa kong araw, kahit wala na akong pahinga. Saan-saan na ako sumasama maka-extra lang ng trabaho. Taong 2005 nang ako’y nagsimulang mamasukan sa Philsaga Mining Corporation Inc. Dahil may trabaho na ako at pinagbutihan ko ito at sa awa ng Diyos nakita ito ng aming tagapangasiwa kaya naitalaga akong superbisor kahit ang natapos ko ay Grade 4 lamang. Hindi naging madali ang posisyon na ibinigay sa akin, maraming nagtaka kung bakit ako ang itinilaga samantalang ang iba kong kasamahan ay may natapos, at ako ay wala. Marami akong naririnig na hindi mabuting salita galing sa kanila pero hindi ko sila pinatulan bagkus mas pinagbuti ko ang aking trabaho para ipakita sa kanila at sa kompanyang pinagtratrabahuan ko na hindi sila nagkamali sa pagpromote sa akin.
Taong 2009 nang kami ay narehistro at napasali sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps). Ang pagiging benepisyaryo ng programa ay isang malaking biyaya galing sa Panginoon. Nadagdagan ang kitang dumadating sa aming pamilya. Laking tulong ng programa sa aming pamilya lalo na sa panahon ng malaking unos na dumating sa amin. Taong 2012, buwan ng Nobyembre, ang aming panganay na anak na si Alexander ay nadamay sa nangyaring pag-ambush sa mga sundalo. Kami ay sinubok sa aming pinansyal na aspeto dahil sa mga bayarin sa hospital ngunit nanatili kaming matatag bilang pamilya. Ninais naming makamit ang hustisya bagamat ay pinagsa Diyos na lamang namin iyon. Hindi naging madali ang pagiging ama lalo na’t nasisilayan mong naghihirap ang iyong anak. Dumating din kaming mag-asawa sa puntong parati kaming abala sa aming kanya-kanya trabaho, nakapokus na ang aming atensyon sa pagkukunan ng pera pantustos sa pangaraw-araw na pangangailangan namin, na nakakaligtaan na naming kumustahin ang aming mga anak. Dahil dito hindi na namin napapansin kung ano ang nangyayari sa aming mga anak.
Ang aming anak na si Aiffy ay nagdesisyong tumigil sa kanyang pag-aaral at malimit na lamang umuwi sa amin. Ang nangyari kay Aiffy ay dahilan ng pagkakalimot namin na kumustahin silang mga anak. Nakapokus na kami sa pangangailangang pinansyal ng aming mga anak nakalimutan naming ipakita ang pagmamahal namin gaya ng pagkumusta at pagmonitor sa kanila kaya napagdesisyonan naming mag-asawa na hatiin ang aming oras. Mas sinubaybayan namin at pinagdadasal ang kanilang kapakanan. Naging buntot ako sa aking anak, sinusubaybayan ko ang kanyang mga lakad dahil bilang isang ama, ako ay may takot din sa kapakanan, kaligtasan, at kinabukasan nila. Patuloy naming pinapakita ang aming pagmamahal at pagrespeto sa kung anong desisyon nila ngunit may limitasyon sa aming pagsang-ayon sa kanilang deisisyon lalo na’t kung itoy makakasama sa kanila. Sa gabay ng Diyos, nalagpasan din naming mag-anak ang dumating na malaking dagok sa aming pamilya, ngayon nasa mabuting kalagayan na si Alexander at bumalik sa pag-aaral si Aiffy. Aking napagtanto na mas pinalalakas kami ng sitwasyong ito bilang isang pamilya.
Sa mga nangyari sa aming pamilya, hindi namin ito malalagpasan kung wala ang aking supportive na asawa. Sinusuportahan niya ako at tinutulungan mapapinansyal man na aspeto, spiritwal, at pati na rin sa pagiging ama sa aming mga anak. Ang aking butihing maybahay ay nagtitinda ng mga processed food upang may pandagdag sa pang-araw-araw na gastusin. Laking pasasalamat ko rin sa Panginoon dahil biniyayaan niya kami ng matutulunging mga anak. Dahil sa aking karanasan, mas minahal ko ang aking mga anak. Palagi kung iniisip ang kanilang kapakanan upang hindi nila maranasan ang mga naranasan ko. Ibinigay ko ang suporta at buong pagmamahal sa aking mga anak na hindi ko naranasan sa aking nakalakihang pamilya.
Sa ilang taon naming benepisyaryo ng programa, tinitiyak naming maibigay ang mga pangagailangan ng aming mga anak lalo na sa kanilang edukasyon at kalusugan. Sinisiguro naming mabuti at matiwasay ang kalagayan ng aking mga anak. Ako ay nagpapasalamat din sa ginaganap na Family Development Session buwan-buwan, ang aking asawa ay isang Parent Leader, ngunit mayroong mga panahon na ako ang dumadalo sa nasabing aktibidad kung saan aking napagtanto na ito pala ay isang pagtitipon na may pagbibigay kaalaman sa amin lalo na’t ito’y may adbokasiyang pagpapatatag ng isang pamilya.
Masasabi kong malaki ang kaibahan ng aming pamumuhay noon at ngayon. Mayroon kaming maliit na fish pond, na pinagkukunan din namin ng hanapbuhay, patuloy ang aking trabaho sa kompanya, malusog ang pangagatawan namin, masaya kami, at higit sa lahat mas naging malapit kami sa Panginoon, nakahanap kami ng isang simbahang mas pinatatag ang aming relasyon at pananalampalataya sa Panginoon.
Mahal na mahal ko ang aking asawa, tapat at buo ang aking respeto sa kaniya, at suportado ang bawat plano niya lalo na’t mga gawain para sa Panginoon. Bukod dito, sa aking mga anak, mananatili akong nakaalalay para sa kanilang kinabukasan, at ako ay patuloy na magiging aktibo sa simbahan at ibabahagi ang aking kasanayan kung kinakailangan. Gagawin ko ang lahat at buong-puso kung ibibigay sa kanila ang aking pagmamahal at suporta makamit lang nila ang kanilang pangarap at mithiin sa buhay. Dahil para sa akin naniniwala akong nagsisimula sa matibay na pamilya ang pagiging matagumpay ng isang indibidwal. ###(Social Marketing Section/DSWD Field Office Caraga)