Kwento ni Tatay
Ni Edgar P. Esperon ng Barangay Camam-onan, Gigaquit, Surigao Del Norte
Ako si Edgar, nakatira sa Purok 2 Sitio Tomorok. Ang aking maybahay ay si Justina Maranan at kami ay may tatlong anak na puro lalaki. Ako ay 50-taong gulang na at hiwalay sa asawa, ang panganay ko ay 23, ang pangalawa ay 18, at ang pangatlo ay 13. Ang aking panganay ay nasa 1st year college na, at ang dalawa ay nasa high school.
Bilang ama ng pamilya, responsibilidad kong itaguyod at ibigay ang pangangailangan ng aking pamilya sa bawat araw. Kahit anong trabaho ay pinasok ko gaya ng pag-aahente ng bahay at lupa, pag-aahente ng Saint Peter life plan, pagbebenta ng isda at iba pang pwedeng pagkakakitaan. Nakakaraos naman kami pero para sa mata ng aking asawa, kulang pa rin ang lahat ng aking sakripisyo at pagsisikap. Dahil dito, palagi kaming nagtatalo at umabot kami sa puntong wakasan na ang aming pagsasama at tuluyan ng maghiwalay. Dahil wala akong permanenteng trabaho noon at hirap kami sa buhay, ako ay iniwan ng aking asawa at umuwi siya sa kanyang mga magulang. Kalakip ng kanyang paglisan ay ang hamon sa aking pagiging magulang ng iniwan niya din sa akin ang dalawa pa naming mga anak.
Isang napakabigat na karanasan para sa akin ang kanyang paglisan, lalo pa’t isang taong gulang pa lamang ang aming anak noon. Noong mga panahong iyon ay mag-isa lang ako dahil ang panganay kong anak ay dinala ng aking asawa sa probinsya nang siya ay umalis. Sa hindi inaasahang pagkakataon, naubos ang gatas ng aking anak at walang-wala talaga akong perang pambili. Kaya ang ginawa ko, pinatulog ko nalang ang aking anak sa bahay at iniwan pansamantala ng isang oras para maghanap ng pambili ng gatas. Alam kong mali iyon at masyadong delikado pero hindi ko rin naman kayang makita ang anak ko na nagugutom na wala akong ginagawa. Sa awa ng Panginoon, pagbalik ko tulog parin ang aking anak. Malaki ang pasasalamat ko sa Panginoon na walang nangyaring masama sa akin at sa kanya. Pagkalipas nang ilang araw ay dumating sa aming lugar ang aking pamangkin para tulungan ako sa pag-aalaga ng aking mga anak. At dahil dito ako ay nakabalik at naipagpatuloy ko ang aking paghahana- buhay.
Sa gitna ng pinagdaanan kong hirap at pagsubok noong ako ay nasa Luzon pa, ni minsan hindi ako nawalan ng lakas ng loob at patuloy parin ako sa aking pagdarasal na sana malampasan ko ang problema na aking dinadala. Ang ina ng aking mga anak ay paminsan-minsan ding dumadalaw pero hindi siya nagtatagal ng linggo. Kung kaya’t nasanay na rin ako at ang mga bata na wala sa piling ng kanilang ina. Ang naging prinsipyo ko simula ng mangyari ang araw na iyon ay ang gumawa ng mabuti dahil naniniwala akong balang-araw malalampasan ko rin ang aking mga suliranin.
Kahit na iniwan ako ng aking asawa, ako ay nagsumikap upang matustusan ang pangangailangan ng aking pamilya. Masasabi kong hindi talaga ako pinabayaan ng Diyos dahil sa hindi ko inaasahang pagkakataon, dumating ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa buhay namin at laking pasasalamat ko na isa ako sa napili sa aming lugar. Prinoseso ko ang lahat ng mga kailangang dkcumento upang malipat sa akin ang pamamahala bilang isang 4Ps recipient dahil noo’y nakapangalan ito sa aking asawa. Naaprubahan ito at ako ay naging isa nang ganap na membro ng 4Ps. Ako ay naging Parent Leader sa Bacoor (old address) at maging sa nilipatan naming lugar, ang aking probinsya sa Gigaquit, Surigao del Norte (new address).
Bilang isang Parent Leader, sinikap kong makatulong sa aking miyembro at magabayan sila ng wastong impormasyon at pangangaral. Hindi rin ako nag-aksaya ng pagkakataon na makasali sa ibat-ibang seminars at trainings at ang mga natutunan ko doon ay binahagi ko sa aking mga membro. Hindi lang ang pagbahagi ng mga kaalaman ang aking ginawa, nagkaroon din kami ng community work para sa kapaligiran katulad ng paglilinis ng kanal, at pagsegregate ng mga basura.
Ang pagdating ng programa sa aming pamilya ay nagbigay ng napakalaking tulong sa akin bilang isang solo parent na mag-isang nagtataguyod sa pamilya. Malaki ang naging ambag nito sa pag-agapay sa pinansyal na aspeto lalung-lalo na sa pag-aaral nila, pambili ng pagkain at iba pa. Bagama’t mag-isa lang akong bumubuhay sa aking mga anak, nagkaroon ako ng kaagapay sa buhay at katulong sa gastusin ng dahil sa programa. Sa awa ng Panginoon at sa aking mga pagsisikap, nakapagpatayo ako ng bahay sa Bacoor noong kami ay doon pa nakatira. Tunay ngang nabago ang buhay ko ng dahil sa 4Ps lalo na sa pakikipag halubilo sa ibang tao.
Nang ako ay nalipat na sa Surigao del Norte, dala-dala ko pa rin ang mga natutunan ko sa Bacoor. Malaki ang pasasalamat ko sa Municipal Links sa Bacoor at Gigaquit na nagproseso ng aking request na mailipat sa Surigao dahil hindi na ako masyadong nahirapan sa paggawa nito. Sa aking paglipat, ako ay nanatiling aktibo sa mga activities ng programa lalo na sa Family Development Session (FDS) at trainings bilang isang Parent Leader. Sinikap ko uli na makatulong sa aking mga miyembro at kung ano pa ang dapat kung maitulong sa kanila.
Dahil sa adhikain ko na makatulong, nagsagawa ako ng iba’t ibang activities at ito ang ilan sa aking mga ginawa upang makatulong bilang isang miyembro at Parent Leader:
(1) Nakapaglunsad ako ng Feeding Program sa mga Senior Citizens at IP community ng Sitio Boyobanwa sa tulong ng mga may mabubuting loob na donors at volunteers.
(2) Humingi rin ako ng tulong sa gobyerno at ipinaabot ko ang aking hinaing na magkaroon ng temporary na daan sa sentro ng sa lahat ng sitio ng aming barangay. Malaki ang aking pasasalamat sa Province at Barangay officials sa agarang pagtugon.
(3) Nagpaabot din ako ng aking hinaing sa DILG Claver tungkol sa problema sa daan ng Barangay Sapa papuntang Barangay Lahi dahil sa dami nang nadidisgrasya sanhi ng lubaklubak na daan at malalaking bato.
(4) Nakapag-organisa din ako ng isang kooperatiba para sa mga miyembro ng 4Ps sa aming Barangay at sa awa ng Panginoon sa susunod na buwan ay mag uumpisa na kami sa oras na dumating ang certipikasyon galing sa CDA.
Lubos ang aking pasasalamat dahil sinuportahan ako ng aking mga anak sa bawat desisyon na aking gagawin. Hindi nila ako pinabayan at binigyan ng sakit ng ulo at inintindi ang naging kalagayan ng aming pamilya. Labis rin ang pasasalamat ko sa aking mga myembro na nagtiwala sa aking kakayahan na pamunuan sila. Sa kabila ng mga nangyari, maswerte pa rin ako sa mga taong nakapaligid sa akin.
Bago ako magtapos, nais kong ipaabot ang aking taos-pusong pasasalamat sa lahat – sa ating gobyerno, sa mga namumuno ng DSWD at 4Ps. Talagang napakalaking tulong po nito hindi lang sa akin kundi pati sa kapwa kong benepisyaryo. Tunay na nabago ang aking buhay dahil sa tulong pinansyal, kaalaman, disiplina, at respeto na hatid ng programa. Huwag tayong umasa lang palagi, pagsamahin natin ang sipag at tiyaga para magbago ang ating buhay. ###(Social Marketing Section/DSWD Field Office Caraga)