Salaysay ni Inay
Ni Josephine C. Reyes ng Barangay Canaway, Kitcharao, Agusan del Norte
Ako po si Josephine C. Reyes. Ipinanganak sa Tacloban City noong ika-16 ng Pebrero taong 1962. Ako ay 59 na taong gulang. Nakapagtapos ako ng kursong Chemical Engineering. Ang aking asawa naman na si Pedmar ay nakapagtapos ng Marine Transportation. Kasalukuyan kaming nakatira sa Purok-2 Canaway, Kitcharao, Agusan del Norte. Ako ay ina ng walong mababait at marespeto na mga anak.
Isa akong ina na walang ibang hinangad kundi ang mabigyan ng magandang kinabukasan ang aking mga anak. Simula ng kami ay ikasal ni Pedmar, napagdesisyonan naming mag-asawa na hindi magtatrabaho sa malayong lugar para aktuwal na maalagaan at kasama naming maitaguyod ang aming walong anak. Nagtrabaho ang aking asawa sa bukid habang ako ay nagtitinda ng pagkain sa eskwelahan araw-araw. Mahirap ang aming desisyon ngunit mas pinili naming maging buo ang aming pamilya. Dahil sa desisyong ito ay nakatanggap ako ng pangungutya ng ibang tao ngunit mas masakit pala kapag nanggaling sa kadugo ninyo ang pangungutya. Sa kabila ng lahat ay nagpatuloy akong lumaban sa hamon ng buhay. Bagama’t nakapagtapos ako ng pag-aaral, nangangapa pa rin ako sa pagpapalaki ng aking mga anak.
Kung minsan, akala ko bigo ako sa pagiging isang ina dahil ang aking panganay na anak ay naaksidente at namatay. Labis ang aking dalamhati dahil sa nangyari. Ang hirap maging ina. Ang daming bakit, ang daming paano, ang daming beses na sinabi ko na, “Hindi ko na kaya.” Sa bawat pagkakataon na pakiramdam ko na kahit ano pang ikot ng mundo, kahit ano pang gawin ko, kahit ano pang pagod na maramdaman ko, kailangan kong kayanin para sa pamilya ko. Dahil sa aking paniniwala sa Panginoon, napagtanto ko na kailanma’y hindi bigo ang magulang na gumagawa ng lahat ng makakaya nila para mahalin, turuan, ipagdasal, at pangalagaan ang kanyang mga anak. Alam ko na ang aking pananampalataya, mga dalangin, at pagsisikap ay ilalaan sa kabutihan
Matatandaan ko pa noong panahon na may mga anak ako na high school, ang tatlong naman ay nasa kolehiyo. Walang-wala kami noon. Napakasakit pagmasdan ang aking mga anak na kung minsan papasok sa eskwela na walang laman ang tiyan. Ang lahat ng mga paghihirap na dinanas namin ay nagbigay sa akin ng lakas na magsumikap. Luha at pawis ang aking puhunan at Panginoon ang aking kinakapitan. Hangga’t kaya ko, gagawin ko.
Sa awa ng Diyos, nagkaroon ako ng pagkakataon na maitaguyod ang aking pamilya sa tulong ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program. Napabilang ako sa mga masuwerteng nabigyan ng tulong ng gobyerno upang masiguro ang pag-aaral ng aking mga anak at kanilang kalusugan. Mas naging masigasig ako marapat nasisiguro kong makakapagtapos ang aking mga anak sa kanilang pag-aaral. Tatlo sa aking mga anak ang napiling benepisyaryo ngunit napabuti ang kalagayan ng aking mga anak dahil sa tulong na ito. Natuto ako ng maraming bagay gaya na lamang ng tamang pagpapalaki sa anak, karapatan ng mga kababaihan at mga bata, at iba pa sa tulong ng Family Development Session. Nagamit ko ang aking natutunan upang gabayan at patnubayan ang aking mga anak sa kanilang paglaki. Malaking tulong din ang perang natatanggap dahil nakakain na ng masustansyang pagkain ang aking mga anak. Nabigyan din ng tamang suporta ang kanilang pag-aaral lalo na sa mga bayarin sa paaralan. Naging ESGP-PA grantee ang aking anak na si Jou-Llamar C. Reyes kung saan nabigyan siya ng pagkakataon na maging iskolar at makapagtapos sa kolehiyo.
Sa kasalukuyan, apat sa aking mga anak ang nakapagtapos na, at mayroon ng magandang trabaho. Habang ang tatlo sa magkakapatid ay patuloy sa kanilang pag-aaral. Sa mga nakatapos na, dalawa ay mga guro, isang fireman, at isang sundalo. Lahat sila ay naitaguyod ko sa tulong at gabay ng 4Ps.
Pagpapasya rin ng Panginoon na naisama ang pamilya ko sa 4Ps. Nagsimula ako sa pangangapa sa dilim dahil minsan na rin akong nawalan ng ilaw ngunit nabigyan ng ilaw sa tulong Niya. Ito ang ilaw na nagbigay sa akin ng kaliwanagan at pag-asa kahit gaano pa kahirap ang pagiging isang ina. Ito ang Ilaw sa ilaw ng tahanan upang gaya ng bombilya ay makapagbigay din ng kaliwanagan sa aking mga anak at pamilya.
Sa lahat ng paghihinagpis at paghihirap na aking naranasan sa buhay, lahat ng ito’y napalitan ng ngiti at kasiyahan. Ngayon pa lang, umiiyak na ang aking puso sa tuwa na makita ang aking mga anak na nagtatagumpay. Bilang isang ina, makita ko lang ang mga anak na masaya, isang matamis na pahiyom (ngiti) lang ay sapat na. ###(Social Marketing Section/DSWD Field Office Caraga)