Kwento ni Tatay
Ni Antonio C. Iglesia Sr. ng Brgy. Hornasan, San Agustin, Surigao del Sur
Lumaki ako sa isang malaki ngunit napakahirap na pamilya. Ako ang panganay sa labing apat na magkakapatid. Sa mura kong edad, maaga akong namulat sa reyalidad ng buhay. Hindi naging madali ang ginampanan kong responsibilidad bilang katuwang ng aking mga magulang. Nagtitinda ako ng panggatong sa karatig barangay, kung minsan naman isda at abaca habang nag-aaral. Sa kabila ng aking pagsisikap, high school lamang ang inabot ko at wala akong sapat na kakayananan upang iahon ang aming pamilya sa kahirapan na naging dahilan upang ako ay pumasok sa pagrerebelde sa gobyerno, at napabilang sa isang grupo.
Taong 1980, pinasok ko ang pagrerebelde dahil naramdaman ko ang hagupit ng kakulangan sa tamang programang pantao lalo na sa mga mahihirap. Maliban sa karahasan, sobra ang gutom at kahirapan ng mga panahong iyon kung kaya pinasok ko ang paglalaban at pag-aalsa. Sa maikling panahon ng pagiging kasapi ng samahan, may mga pamamaraan at pamamalakad ang grupo na hindi naging angkop sa nais kong mangyari. Hindi ko rin dito nakita ang magandang patutunguhan ng aking buhay kung ako ay mananatili pa kaya kalaunan ay tumiwalag ako. May halong takot man bilang former rebel, pinili ko ang magbagong buhay hanggang sa ako ay nag-asawa.
Ako si Antonio C. Iglesia Sr., 60 na taong gulang at nakatira sa brgy. Hornasan, San Agustin, Surigao del Sur. Mayroon akong apat na anak, at kasal sa pangalawang asawa dahil namatay na ang aking unang asawa mahigit sampung taon na ang nakakaraan. Sa kabila ng masalimuot na karanasan at mga nakagisnan kong pagsubok, pinagaan naman ito ng pag-asa na hatid ng Pantawid Pamilya.
Mahirap man ang buhay noong ako ay nakapag-asawa na, sinikap ko na iba sa nakagisnan kong nakaraan ang magiging kinabukasan ng aking mga anak. Kaya siniguro ko at ng aking asawa ang tamang pagplano na hanggang apat lamang ang magiging anak namin. Sa pamamagitan nito, mas mabibigyan namin ng tamang atensyon ang aming mga anak lalo na ang kanilang pag-aaral. Tanging pag-aaral lamang ang nakita kong paraan upang mabigyang seguridad at maitawid ang buhay ng aking mga anak at ng kanilang magiging supling mula sa kahirapan.
Kaya naman bunga ng pagsisikap bilang magsasaka ay nakapagtapos ang aming panganay na anak sa kursong Bachelor of Science in Electrical Technology noong 2008. Siya ang naging pag-asa ko upang matulungan ang kanyang mga kapatid ngunit sa hindi inaasahang pagkakataon ay nag-asawa rin at bumukod. Naging mas mahirap pa ang kalagayan namin dahil mayroong lung cancer ang aking asawa sa panahong iyon. Ngunit bilang magulang, hindi namin pinigilan ang desisyon ng aking anak sapagkat sapat na para sa amin na siya ay makapagtapos ng pag-aaral.
Sa mga panahong iyon ay lalo pa akong nagsikap. Nagpapasalamat ako sa Panginoon sa mabuting kalusugan at tatag ng damdamin bilang haligi ng tahanan. Dalawampu’t dalawang taon na akong miyembro ng Kaabag Ministry sa aming lokal na simbahan. Doon ko dinudulog ang aking mga panalangin sa buhay dahil tanging ang Diyos lamang ang aking nasasandalan tuwing ako ay may mabibigat na problema. Taong 2010 pagkatapos ng walong taong pagtitiis ng aking asawa ay namaalam na siya. Mahirap tanggapin ang mawalan ng katuwang sa buhay. Siya ang isa kong pakpak sa paglipad upang maabot ang aming mga pangarap para sa aming mga anak kaya lubha akong nanibago na para bang palaging may kulang. Naging mabuti naman talaga ang Diyos dahil biniyayaan ako ng panibagong katuwang sa buhay pagkatapos ng isang taon, at napagdesisyunan naming sa magpakasal.
Noong 2013 naging miyembro kami ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps). Sa pagdating ng programang ito, nabunutan ako ng tinik dahil binago nito ang kalagayan namin. Isang hulog ng langit ang programang ito para sa mga gustong maabot ang mga pangarap ng naghihikahos sa buhay. Walang ganito noong bata pa ako na magbibigay ng tulong pinansyal para sa mga mahihirap. Malaking tulong rin ang Self Employment Assistance-Kaunlaran (SEA-K) association ng DSWD na pinangunahan ko noong 2016-2018. Nagbigay daan din ang 4Ps upang ako ay magkaroon ng sapat na panahon upang makilahok sa iba pang katungkulan sa pamayanan tulad ng pagiging Purok Leader at pinuno ng Dayong. Maaaring ito ay mumunting katungkulan lamang ngunit para sa akin, isang karangalan parin ang makapagsilbi sa aking nasasakupan upang maging mas produktibo sa buhay.
Dati ang lalim ng iniisip ko kung saan kami kukuha ng pambili ng uniporme, sapatos at iba pang kailangan sa sekwela dahil kailangan ko munang atupagin ang pagkain at gamot sa bahay sa araw-araw. Ngunit dahil sa 4Ps, abot-tanaw ko na ang magandang kinabukasan ng aking mga anak at magiging malaya na kami mula sa kahirapan. Laking tulong pa ang Expanded Student Grants-in-Aid Program for Poverty Alleviation (ESGP-PA) ng 4Ps na nagbigay ng karagdagang pinansyal noong nagkolehiyo na ang isa sa aking mga anak hanggang makapagtapos. Dahil sa pagsisikap katuwang ang 4Ps, nakapagtapos ang aking tatlong anak sa kolehiyo at ngayon ay nagtatrabaho sa pampublikong paaralan. Sa ngayon, tanging ang bunsong anak ko nalang ang nag-aaral sa high school.
Noong bagyong Auring, gumawa kami ng inisyatibo ng aking mga anak upang makatulong sa kapwa na lubhang apektado sa gitna ng pandemya. Nagbigay kami ng mumunting food packs laman ang bigas, gatas, at canned goods at pinabigay sa aming mga kapit-bahay. Nang dahil sa 4Ps, nakakaluwag sa damdamin na kami ay tinulungan nito upang maiangat ang aming sitwasyon nang sa gayon ay makatulong rin kami sa iba kahit sa munting paraan.
Talagang napakalaking tulong ng Programa upang kami ay maiahon mula sa lugmok na kahirapan kung kaya kami man ay mapabilang sa mga kailangan nang mag-exit ay bukal at buong puso namin itong tatanggapin upang mabigyan naman ng pagkakataon ang iba pang mas nangangailangan. ###(Social Marketing Section/DSWD Field Office Caraga)