Kwento ni Tatay
Ni Maximo A. Indac ng Barangay Sto Niño, Magallanes, Agusan del Norte
Ako si Maximo Indac, 49 na taong gulang at nakatira sa Barangay Sto Niño, Magallanes, Agusan del Norte. Ako ay ikinasal sa taong 1993 sa edad na 21 kay Roselyn Monzon at kami ngayon ay 28 na taon ng masayang magkasama, at nagbunga ang aming pagmamahalan ng limang (5) supling na sina Junelyn, Junel, Jane, Joshua, at Jay.
Ako ay nagtrabaho noon sa isang kompanya ng plywood dito sa Magallanes pero dahil sa konting kita na natatanggap ko, ako ay nagdesisyong tumigil sa pabrika at kinausap ang aking asawa na kami ay magnenegosyo nalang sapagkat hindi sapat ang aking kinikita para suportahan sila. Nag-isip kami ng paraan para kumita ng malaki-laki at naisipan ko ang aking tiyo na isang ice cream vendor sa Buenavista. Pumunta ako sa tiyuhin ko at nagpaturo ako paano gumawa ng home-made ice cream. Kahit sa konti kong kaalaman ako ay pursigido kong pinasok ang paglalako ng ice cream, at nangutang ng puhunan sa aking tiyahin sa halagang P1,000 pang-kapital. Napakahirap sa umpisa lalo na’t hindi pa ako magaling sa pagtantya ng masarap na lasa ng ice cream kaya yong kita ko ay talagang napakaliit lang noong una.
Isang araw, napag-isipan naming mag-asawa na mas pasarapin pa ang aming home-made ice cream at pinag-eksperimentuhan ang mga sangkap para mas lumasa at sumarap sa mga mambibili. Sa ilang beses naming pagtiya-tiyaga ay nakuha din namin ang masarap na original ice cream namin at doon nagsimula na mas dumami ang bumibili na suki sa amin at ang nakakatuwa pa ay ini-endorso nila ang aming gawang ice cream sa iba. Habang unti-unting gumaganda ang takbo ng pagbebenta ko ng ice cream ay lumalaki din ang aking pamilya hanggang umabot sa lima ang aking mga anak. Mas nahirapan kami mag-asawa sa gastos araw-araw lalo na sa gastos nila sa pag-aaral. Dahil sa maliit lang na agwat ng aking mga anak, sila ay sabay-sabay ring pumasok sa kolehiyo at doon ako mas grabeng nahirapan kaya doble kayod kaming mag-asawa para may ipang-tustos lang sa kanilang pangangailangan. Bilang isang magulang at haligi ng tahanan, hangad ko na mapagtapos sila sa kolehiyo sapagka’t ito lang ang kayamanan na maipapamana ko sa kanila. Ayaw kong dumanas ang aking mga anak ng sobrang hirap, iyong sinasabi nila na dumaan sa butas ng karayom masuportahan lang ang pamilya.
Ako, kasama ang aking butihing asawa at mga anak ay tulong-tulong sa paggawa at paglalako ng aming home-made ice cream. Ang aking asawa at anak na si Junelyn at Jane ay tumutulong sa kanilang ina sa pagbebenta ng ice cream sa Magallanes National High School tuwing break time nila sa recess. Ang aking anak naman na si Junel at Joshua ay tumutulong sa akin sa paglalako sa Buhang Elementary School at Magallanes Central Elementary School. Tuwing bakasyon ay tulong-tulong din kami sa paglalako at mas lumalaki ang kita namin at ito ay iniimpok namin para pambayad ng kanilang tuition fees sa kolehiyo. Natutulog ako ng alas dos ng madaling araw sa paggawa ng home-made ice cream at gumigising ng alas kwatro ng madaling araw. Mahirap at isang kahig, isang tuka kung isalarawan ang aking buhay pero hindi ito hadlang para tumigil ako sa pagkakayod kalabaw dahil alam kong aanihin ko balang araw ang aking paghihirap. Alam ko na mababait ang aking mga anak, walang bisyo, at nagsusumikap din sa pag-aaral nila para makatapos sa kolehiyo.
Abot hanggang langit ang pasasalamat namin ng aking pamilya ng masali kami sa programa ng gobyerno ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), dahil ito ay malaking tulong lalo na sa gastusin sa paaralan. Tatlo sa aking mga anak ay sabay-sabay sa kolehiyo kaya ang pera sa 4Ps ay ginagamit naming pambayad sa tuition nila at pambili na rin ng gamit nila sa paaralan lalo na sa monitored ko na anak na sina Joshua at Jay.
Ngayon ay taas-noo kong ipagmamalaki sa gobyerno na ang pamilya na tinulungan nilang tumawid sa kahirapan ay ginamit sa maayos ang kanilang tulong na inilaan sa amin. Ang aking panganay na anak na si Junelyn ay nagtapos sa kursong Bachelor of Science in Secondary Education Major in English at naghihintay na lang sa LET board exam at kasalukuyang nagta-trabaho ngayon bilang Human Resource Officer sa Jollibee. Ang aking pangalawang anak na si Junel ay isa ng Pulis na nakadestino sa Cabadbaran Police Station. Minsan may nagbibiro sa kanya at sinasabihan siyang, “Ang dating sorbetero, ngayon ay pulis na.” Ang aking ikatlong anak na si Jane ay magtatapos din sa kolehiyo sa taong ito sa kursong Bachelor of Science in Hotel and Restaurant Management (BS HRM). Ang aking pang-apat ay kasalukuyang nasa 2nd year college sa kursong BS Criminology, at ang bunso namin ay nasa Grade 12 na.
Lahat ng bagay na meron kami ngayon ay bunga ng pagbebenta ko ng sorbetes at hinding-hindi ko ito ikakahiya. Ako ay isang ama na nagsumikap para gumanda ang buhay ng aking pamilya. Dati umuupa lang kami ng bahay, pero ngayon may sariling bahay at lupa na kami na bunga ng aking pagsisikap sa tulong ng aking asawa at mga anak. Ang pinakamalaking puhunan ko ay ang aking sipag at tiyaga, sinamahan ng panalangin sa Panginoon. Ako ay totoong naniniwala sa sinasabi nilang, “Hindi hadlang ang kahirapan para mabigyan ng edukasyon ang mga anak,” at malaki ang naitulong ng DSWD upang patotohanan ito.
Mula sa pamilyang Indac, maraming salamat sa 4Ps, at nawa’y marami pang katulad ko ang makatawid sa kahirapan dahil sa tulong niyo. Masasabi kong ang buhay namin ngayon ay maihahalintulad ko sa sorbetes, kahit maalat man paminsan-minsan, nangingibabaw pa rin ang tamis na dala ng sipag at tiyaga. ###(Social Marketing Section/DSWD Field Office Caraga)