Salaysay ni Inay
Ni Perlita B. Cesar ng Barangay Mabini, Placer, Surigao del Norte
Makulay, mahirap, at puno ng pagsubok ang ating buhay. Sa bawat pagsubok minsan tayo ay nadadapa ngunit pilit pa rin tayong tumatayo. Nagkakamali ngunit natututo. Umiiyak ngunit natutumbasan rin ito ng kaligayahan. Ang pamilya ay nagtutulungan, nagdadamayan, at nagmamahalan kahit ano man ang dumadaan sa buhay.
Ang aking kabataan ay puno ng kahirapan at sakripisyo sapagkat ako’y hindi lumaki sa piling ng aking mga magulang. Ako’y ipinamigay at nanilbihan sa ibang tao noong ako’y walong taong gulang pa lamang, at napadpad sa South Cotabato. Nang ako’y tumuntong ng dalawampung taong gulang ay kinuha ako ng aking ate at inuwi dito sa Surigao del Norte kaya naman ay nakapiling ko ang aking mga magulang. Sa kasamaang palad, ang aking ama ay lasinggero at namumugbog, binugbog niya ako nang hindi ako pumayag na sumali sa bayli (sayawan), at dahil sa hindi ko makaya at matanggap ang ginawa niya, naglayas ako, nagpunta sa Bislig, Surigao del Sur kasama ang lalaki na siyang napangasawa ko. Nang naisilang ang aming panganay ay naaksidente naman ang aking asawa sa kanyang trabaho, at natamaan ng troso. Hindi na siya pwedeng magbuhat ng mga mabibigat na bagay at hindi rin makahanap ng magaan na trabaho sapagkat siya rin ay hindi nakapagtapos ng pag-aaral. Dahil sa kakapusan, napasyahan naming ibenta ang aming anim na alagang manok at ito ang ginamit ko na puhunan para makapagtinda ng isda at bibingka. Paglalako ng isda sa umaga at sa hapon nama’y paglalako ng bibingka na ako din mismo ang nagluto ang ginagawa ko. Ginawa ko ang lahat upang hindi maranasan ng aking mga anak ang aking naranasan noon. Dahil sa pait nang mga pangyayari sa aming buhay ay napagpasyahan naming umuwi dito sa Mabini, Pacer, Surigao del Norte baka kami ay matulungan ng aming pamilya ngunit, mas lumala pa ang aming sitwasyon.
Naisipan kong magtinda ng iba’t ibang kakanin sa canteen ng skwelahan at maglako ng bibingka o kaya’y salvaro sa tulong ng aking asawa. Gusto kong makapagtapos ng pag-aaral ang aking mga anak dahil ito ang hindi ko magawa noon, at ayaw ko ring masayang ang kanilang talino. Labis man ang paghihirap na aming nadaanan, hindi kami sumuko at umasa na ang lahat ng ito ay pagsubok lamang upang matagumpayan ang anumang layunin at pangarap sa buhay, basta’t nagkakaisa lang at sama-sama ang pamilya. Labis ang aming tuwa na nadarama ng makapagtapos na Valedictorian ang aking panganay sa High school at maging ang aking pangalawa ay Valedictorian din na grumadweyt sa elementarya. Nang tumuntong na ng kolehiyo ang aking panganay, siya’y nakapag-aral sa Mindanao State University –Main Campus, free tuition doon at hindi masyadong malaki ang bayarin. Dala ng kahirapan, limang daan lamang ang aking maibigay na kanyang allowance buwan-buwan dahil may mga kapatid rin siya na nasa elementarya at high school.
Ika-4 ng Marso taong 2011, naging beneficiary ako sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps). Laking tulong nito para matustusan ko ang pag-aaral ng aking mga anak. Sa tuwing makakatanggap ako ng cash grants ay paghahatiin ko ito para sa aking apat na anak, at nakakatulong din ito upang makabili ng gamot para sa aking asawa.
Napag-aral namin ang aming panganay na anak kahit pareho kaming walang permanenteng trabaho ng aking asawa na kusang umaasa lang sa pagsasaka at pagtitinda ng mga kakanin. Laking tulong ng 4Ps dahil nabawas-bawasan ang problema namin sa pera. Naging wais ang aming pag-iisip kong paano pagkakakasyahin ang kita namin araw-araw sa pagtitinda.
May mga panahong sobrang hirap na kami sa buhay pero hindi ko itinanim sa aking isipan kong ano ang ibig sabihin ng salitang pagsuko. Hindi ko dinaramdam ang mga sakit na aking nararamdaman dahil alam kong sa akin kumukuha ng lakas ang aking pamilya. Nang tumuntong ng 4th year high school ang pangalawa kong anak na si Mary Ann ay nakatanggap ako ng Certificate of Recognition sa DSWD noong 2014-2015 dahil honor student ang aking anak. Hindi rin sumusuko ang aking mga anak, alam nila na kapag maipakita nila ang kanilang kakayahan sa amin, ay sapat na itong kapalit sa hirap na aming narasanan sa pagpapa-aral sa kanila.
Umabot sa punto na dalawa na sila sa kolehiyo, nakapasok rin sa MSU-Main ang pangalawa kong anak, mas naranasan namin ang maging mahirap pa sa mahirap. May mga bayaran ako araw-araw at linggo-linggo dahil sa kagustuhan kong pagtapusin sila sa pag-aaral. Hindi namin maiwasan ang hindi umutang dahil hindi sapat ang kita ng aming maliit na tindahan. Gusto ko sanang ipahinto muna ng pag-aaral ang pangalawa kong anak at pagtapusin muna ng pag-aaral ang kaniyang nakatatandang kapatid na si Renalyn na nasa 5th year college na, ngunit nagpatuloy siya sa kanyang pag-aaral, at ramdam ko ang kagustuhan ng aking anak at handa niyang magtiis makapagtapos lamang. Nakatulong ng malaki ang pagiging benipisyaryo ko sa 4Ps dahil nakakapagbigay ako sa kanila buwan-buwan kahit papaano. Labis ang sakit na aking nararamdaman sa tuwing ikinikwento nila sa amin kong paano nila ginagastos ang kanilang allowance. Naglalakad lang papuntang skwelahan kahit maulan dahil pang-ulam na nila ang sampung pisong pamasahe. Madiskarte rin ang aking mga anak kaya’t alam kong kaya nilang lampasan ang mga ito. Ibinibigay ko sa dalawa kong anak na nasa kolehiyo ang perang natanggap ko sa 4Ps kaya’t nahihirapan din sa pag-aaral ang aking pangatlong anak dahil hindi rin sapat ang aming kinikita araw-araw. Ngunit hindi ito naging hadlang, nakapagtapos ng high school ang pangatlo kong anak na si Annaluna, with high honors at with honor naman ang bunso kong anak na si Regine sa elementarya.
Malaki rin ang tulong ng Famiy Development Session (FDS) para sa akin at sa aking pamilya. Nagbigay ito kaalaman para sa akin kung paano ko mapoprotektahan ang aking mga anak sa online world. Kung paano maging responsableng mamamayan sa panahon ng pandemya. Sa bawat FDS na gagawin buwan-buwan ay inilagay ko sa aking isipan ang mga aralin na itinuro sa amin, para na rin akong naka pag-aral muli. Dito ko natutunan kung paano magplano ng pinansyal para sa maginhawang pamumuhay at kung ano ang mga simpleng paraan para mapabuti ang kalagayang pinansyal.
Sa awa ng Diyos, nakapagtapos sa kursong Bachelor of Science in Accountancy ang aking panganay na anak noong 2016. Walang kahit konting handaan dahil pangpamasahe lamang ang kaya ng aming budget papuntang Marawi para sa kanyang graduation. Hindi nakapagtake ng board exam ang aking anak dahil napakamahal ang bayarin nito sa review at exam. Sa awa ng diyos ay nakapagtrabaho agad siya. Nakapagtrabaho sa munisipyo, naging private secretary, at sa ngayon ay nakapagtrabaho na sa gobyerno bilang Administrative Assistant. Tatlong taon na siyang nagtatrabaho sa gobyerno, at ni minsan at hindi niya kami tinalikuran at iniwan. Nakapagtapos narin sa kursong Bachelor of Science in Business Administration ang pangalawa kong anak. Nasa second year college naman ang pangatlo kong anak kumukuha sa kursong Bachelor of Science in Civil Engineering at nasa grade 9 naman ang bunso kong anak. Nabayaran ko na aking mga utang at sa ngayon ako ay nagtatrabaho sa aming barangay bilang isang Barangay Health Worker. Nagtatanim rin kami ng aking asawa ng mga gulay, kamoteng kahoy, at mga bulaklak para dagdag kita.
Nakapagpatayo na rin kami ng magandang bahay sa awa ng Diyos, noon ay napakaliit lamang nito na gawa sa kahoy at kawayan. May mga gamit na rin kami sa bahay at nakabili na rin ng motorsiklo. Ginamit ko ang cash grants para maging maayos ang buhay ng aking mga anak. Ginagastos ko ito para sa allowance ng dalawa kong anak na kasalukuyang nag-aaral.
Ngayon ay masasabi kong umangat na ang aming buhay at laking pasasalamat ko sa programa ng gobyerno. Ang 4Ps ang naging katuwang naming mag-asawa upang makapagtapos ng pag-aaral ang aming mga anak. Maraming Salamat sa inilaan na tulong ng gobyerno para sa aming mga mahihirap. More power and to God be the Glory! ###(Social Marketing Section/DSWD Field Office Caraga)