Salaysay ni Inay
ni Benita Ilogeon ng Barangay Patong, San Miguel, Surigao del Sur
Ako si Benita Remolleno Ilogon, 49 taong-gulang, isang aktibong partner-beneficiary na nakatira sa Purok 5, Patong, San Miguel, Surigao Del Sur. Ang aking asawa ay si Danilo Tecson Ilogon, isang half-Manobo. Biniyayaan kami ng limang anak sina Zaira Mae, Shalline, Shella, Prences, at Mowwin. Ako ay isang Person with Disability (PWD) dahil mayroon akong visual impairment at isa ring orthopedic. Na-survey ang aming pamilya noong 2007 at pinalad na maging myembro ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) noong 2008 dahil may mga anak akong pumapasok sa eskwelahan, at kami ay mahirap lamang.
Isa ako sa napiling mga pinakaunang parent leader noon sa Programa. Ang karanasan ko sa pagiging parent leader sa aming barangay ay hindi talaga mababayaran. Ang paggabay noon sa 118 beneficiaries ay napakahirap lalo na’t lahat ng gawain ay manual lamang, wala pang system noon sa computer ng hindi gaya ngayon na automatic lalo na sa pag-update ng mga anak kung saan nakapag-enroll para sa kanilang pagsunod sa kondisyon sa edukasyon. Mula sa updating hanggang scheduling ng Over the Counter (OTC) payout ng aming cash grants, mahirap talaga. Bilang parent leader may mga bagay ka talagang maisasakripisyo para tumulong sa pagtaguyod ng programa, lalo na’t napakalayo ng aming munisipyo para sa kapwa benepisyaryo namin.
Noong 2012-2013, nang dumating naman ang programa ng DSWD na Kapit-Bisig Laban sa Kahirapan-Comprehensive and Integrated Delivery of Social Services (Kalahi-CIDSS), naging BSPMC Chairman ako sa aming barangay. Natutunan naming magtulungan para sa proyekto sa barangay. Lahat ng mga tatay na may skills sa pagiging karpentero at labor ay sumali, hindi ko rin pinalampas ang mga kilala kong mga nanay na isali sa pagtapos ng mga proyekto. Solar Dryer, Drainage Canal at Street Lights noon ang binigay sa amin ng nasabing proyekto sa Kalahi-CIDSS. Halos mga benepisyaryo ng 4Ps rin ang naging volunteers noon sa na napahusay ang kakayahan (skills) at ang katayuan.
Naintindihan ko noong panahon na boluntaryo ang pagiging parent leader, at bukal sa loob ko ang pagtulong sa kapwa kong benepisyaryo sa programa lalo na sa pagpapaintindi sa kanila tungkol sa mga proseso sa pagtupad ng mga kondisyon, at paksa sa Family Development Sessions dahil halos sa kanila ay mababa ang kapasidad sa pag-unawa sa mga leksyon namin. Araw-araw ko silang pinupuntahan sa kanilang mga tahanan para makatulong sa aming Municipal Link sa pagbibugay ng tamang kasagutan sa kanilang mga katanugan ukol sa programa, at pagpapaintindi sa kanila sa aspetong pangkalusugan, kagaya ng deworming at immunization sa kanilang mga anak, pre-natal at post-natal ng mga buntis, at iba pa. Dahil sa aktibo kong pakikilahok sa gawain sa aming barangay, napansin ako ng barangay council noon at ginawang Barangay Health Worker. Bilang parent leader, hindi ko rin malilimutan na pinadalo kami sa trainings at seminars na nakadagdag kaalaman para sa amin lalo na sa mga bagay-bagay pampamilya at patungkol sa programa. Malaki ang pasasalamat namin sa mga Municipal Links na gumabay sa amin kahit lahat kaming parent leaders sa aming barangay ay hanggang high school lang ang natapos. Sa ngayon ay ibinigay ko na ang pagkakataon sa iba na maging parent leader upang maranasan naman nila kung paano maging mas epektibong mamamayan sa komunidad. Hindi naging hadlang ang pagiging PWD ko sa pagseserbisyo sa kapwa ko benepisyaryo.
Kahit pagiging isang ina sa lima kong anak, pagiging parent leader, pagtulong sa aking asawa sa pagsasaka, aking pinagmamalaki ang lahat ng natutunan ko lalo na sa FDS na na-aapply ko ang mga ito sa aking pamilya at sa aming komunidad. Napaaral ko ang lima kong anak. Dahil sa tulong pinansyal ng 4Ps, nabigyan sila ng tamang kasuotan lalo na sa kanilang uniporme, allowance, at school supplies na aking nabudget sa cash grants na natatanggap ko kada-dalawang buwan, lalo na noong naidagdag sa cash grants namin ang rice subsidy. Nagpapasalamat ako sa programa na kung tutuusin noon 35% sa aming barangay ay napabilang sa low income household at mababa lang ang napag-aralan, ngayon masaya ako na lahat kaming naging benepisyaryo ay may natutunan ngayon dahil sa pagdalo ng buwanang FDS lalo na sa tamang pagpapalakad saming pamilya, pag-iimpok at tamang paggamit ng pera, mga iba’t ibang batas na nagpoprotekta sa aming mga kababaihan, kabataan at pamilya, pagsali sa mga aktibidaded ng aming barangay at sa paaralan ng aking mga anak, pangkalusugan ng aming mga anak, at ang tamang gawain sa panahon ng kalamidad o krisis.
Laking biyaya sa aming pamilya ng mabigyan ng oportunidad sa ESGP-PA ang aming ikatlong anak na si Shella bilang child grantee sa naturang programa. Malaki ang naitulong sa amin para sa kolehiyo nilang tatlo lalo na nung panahon na iyon ay nasa isang malaking crisis ang aming pamilya. Napakalaking tulong talaga ng ESGP-PA dahil binadyet ko rin iyon para sa mga kolehiyo kong mga anak. Kahit si Shella lang talaga ang grantee, binahagi din niya ang grants para sa mga ate niya. Matalinong bata talaga si Shella, isa rin siyang kasapi ng choir o Ambassador ang tawag sa school nila, nakapagtapos siya as Academic Awardee sa kursong Elementary Education at ngayon kakapasok niya lang bilang guro sa Tambonon Elementary School of Living Tradition. Nakapagtapos sa pag-aaral ang aming eldest na si Zaira Mae kahit member din siya ng PWD dahil sa hearing impairment at ngayon isang job order sa Municipal Hall. Ang pangalawa din na si Shalline nakapagtapos din sa kursong Agriculture.
Lubos akong nagpasasalamat sa 4Ps na nakatulong sa akin noong panahon na nadisgrasya ako sa motorsiklo na naging sanhi upang maapektuhan ang aking paglalakad. Akala ko noon ikamamatay ko ang pangyayaring iyon dahil sabi ng doktor na nauubusan ako ng dugo. Lahat ng apat ko na operasyon sa aking paa ay matagumpay, at ni isang kusing wala kaming nagastos sa ospital dahil under ako sa NHTS Philhealth at NBB.
Ang aming pamilya ay lubos na nagpapasalamat sa 4Ps sa pagtulong sa amin na makaahon sa kahirapan sa pamamagitan ng tulong pinansyal sa pagpapaaral sa aming mga anak. Hanggang sa kamatayan, nakasulat na sa pahina sa buhay ng pamilyan Ilogon, na natamasa namin ang pinakaepektibong programa ng gobyerno para sa katulad naming tinatawag na kapus-palad.
Ngayong kami ay napasama na sa level 3 households, lubos ang aking kagalakan sa loob ng ilang taong serbisyo ng DSWD sa aming sambahayan. Kaya pala talaga namin ang tumawid sa kahirapan. Maraming salamat 4Ps! ###(Social Marketing Section/DSWD Field Office Caraga)