“Ang siyang itinanim ay siya rin ang aanihin.” Iyan ang angkop na kasabihan para sa buhay ng isang daang taong gulang na si Tatay Crisanto A. Dagnipa mula sa Bayugan City.
Pagsasaka ang tanging bumuhay ng kaniyang pamilya. Ani Tatay Crisanto, kamoteng kahoy at klase klaseng gulay na kanilang itinanim ay syang kanilang kinakain. Wala umano silang pera pambili ng kung anu-anong masarap at mamahaling pagkain ngunit ito, para sa kaniya, ang dahilan kung bakit humaba ang kaniyang buhay kasama ng pananamapalataya sa Panginoong Diyos.
“Nagpasalamat ako na aduna pa diay tao niining kalibutan nga maantigo maluoy sa angay kaluy-an. Daghang salamat (I am thankful that there are people who still know how to show compassion to those who are in need. Thank you so much), ” mangiyak-ngiyak ang sentenaryo nang tinanggap ang isang daang libong pisong (Php100,000.00) na handog ng gobyerno ng Pilipinas, na idinaan sa Centenarian Program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field Office Caraga bilang pagtupad sa Republic Act No. 10868 or the Centenarians Act of 2016. Ang paggawad ay pinangunahan ng Centenarian Program Project Development Officer II na si Jobert Tapales at ng LGU ng syudad ng Bayugan.
Dagdag pa sa bigay ng DSWD ay ang ipinoprosesong pangalawang cash grant sa parehong halaga na ibibigay ng Local Government Unit ng naturang syudad.
Bukod sa pagiging sentenaryo, benepisyaryo din si Tatay Crisanto ng Social Pension for Indigent Senior Citizens Program ng Departamento at ang dalawa niyang anak na senior citizens.
“Usa lang ka kalag ang inyong gi-hagoan busa dako akong kalipay ug pasalamat kaninyo ug unta kamo adunay inyong ganti, (I am only but one soul that you are making an effort for, that’s why I am so happy and thankful, I hope that you too will be blessed),” pagpapasalamat ni Tatay Crisanto sa lahat ng nagsikap para matulungan siya at ang kaniyang pamilya para sa gawad na natanggap.
Kwento ng kaniyang anak na si Rosario, naging mas mahirap ang buhay. Nakita ng kaniyang ama na yumao ang kabiyak nitong si Lourdes at ang anak na si Jonito. Ang isa sa kanilang kapatid na si Isidro ay umalis at kailanma’y hindi na nila nakita pang muli. Si Leonardo, na kasama ni Tatay sa isang bubong ay may kalagayang pangkaisipan kaya hindi nito magawang alagaan ang ama. Habang ang kanilang ibang kapatid na si Rodrigo, Rogelio, Sherlito, at Antonio ay may sarili na ring mga buhay.
Ani Rosario, na hindi raw madali ang pag-aalaga sa kaniyang ama ngunit bilang isang anak. “Lisud, sa pagkatinood lisud gyud kaayo kay ako ra isa (Truth be told, it’s so hard because I am the only one taking care of him),” sabi niya. Ngunit gagawin niya raw ang lahat para sa ama dahil kailanma’y hindi sila pinabayaan nito. Nakita niya ang pagsisikap ng ama noon at kahit man lang sa kaniyang pag-aalaga sa kaniya ay masuklian niya ito.
Ilalagay umano nila sa bangko ang pera at sisiguraduhing magkakaroon na ng elektrisidad ang bahay ni Tatay Crisanto at mapaayos ito.
Gaya ng bawat kamoteng kahoy at gulay na itinanim ni Tatay Crisanto upang mabuhay ang kaniyang pamilya, naitanim niya rin ang pagmamahal na kaniyang ibinuhos sa kaniyang pagsasaka sa puso ng kaniyang anak at kahit pa man mahirap ang buhay, ang kaniyang inaani ay ang walang pawang pag-aaruga sa kaniya, na siyang kaniyang tunay na yaman.