“Si Kuya ang nagsilbing Ina at Ama namin”

Ito ang mga katagang umantig sa puso ng ating mga kawani ng bisitahin ng Kagawaran ng Kagalingan at Pagpapaunlad Panlipunan (DSWD) Field Office Caraga ang tatlong batang benepisyaryo ng SHIELD against Child Labor Project sa isinagawa nitong validation nitong, Pebrero 16 hanggang Pebrero 17, 2023 sa Tandag City, Surigao del Sur.

Ang tatlong bata ng pamilya Sariba ay labindalawang taon (12 years) nang nasa pangangalaga ng kanilang bente anyos (20 yrs. old) na Kuya John Ryan na nagsilbing Ina at Ama nila mula ng maghiwalay ang kanilang mga magulang.

Dahil sa hirap ng panahon – lalo na noong pandemya, ang tatlong batang musmos, habang nag-aaral ng modyul ay napilitang maghanapbuhay katulad ng pangunguha ng mga kabibe sa ilog na kanila namang ibinebenta pambili ng bigas at asin.

Labag man sa loob ng kanilang Kuya John ay wala naman itong magawa dahil hindi din sapat ang kaniyang kinikita sa mga raket. Gayunpaman, laking pasalamat naman niya ng mairefer sila ng DOLE sa DSWD bilang mga “child laborers” at naipasok sa programang SHIELD noong 2022.

Sa kasalukuyan wala pa silang tubig at ilaw. Kung ang iba ay naiinis sa ulan – para sa kanila naman ay biyaya na itong maituturing dahil makakaigib na sila ng tubig na maipangliligo pang eskwela kinabukasan.

nagiibig sila ng tubig ulan upang may maipangligo kinabukasan

Ang natanggap nilang pinansyal na tulong mula sa SHIELD noong Disyembre ay naipagawa nila ng simpleng barong-barong na kanilang itinuturing ngayong tahanan at naipambili ng uniporme at gamit pang eskwela. Sabi ni John Ryan, hindi man ito konkreto katulad ng hinahangad nila ngunit sapat nadaw ito upang hindi mabasa ang mga notebook at libro ng kanyang mga kapatid tuwing tinuturuan nya itong magbasa sa gabi.

Habang patuloy silang ini-interbyu ng Team Caraga ay masaya naman nilang pinagsaluhan ang fried chicken na dala ng mga kawani, na ayon pa sa kanila ay ngayon pa nila natikman. Bago paman matapos ang validation ay binigyan din sila ng payong, kaunting groceries, at baon para sa kanilang klase.

Sinabayan ng mga kawani ng DSWD ang mga bata papuntang eskwela, suot-suot ang kanilang mga tsinelas ay tinahak nilang muli ang madulas at maputik na daanan ng Brgy. Boniao Telaje.

Isa lamang ito sa napakaraming kwento ng mga batang naisalba sa tulong ng SHIELD. At isa din itong patunay na saan mang sulok ng rehiyon, kaagapay at karamay ng bawat nangangailangan ang DSWD.

Maraming salamat Kuya John Ryan! Saludo ang DSWD sa iyo!

Ang dakilang Kuya John Ryan Sariba
Print Friendly, PDF & Email