Si Ginang Fely Debajo ang mabuting maybahay at ina ng apat (4) na anak ni Ginoong Miguel Debajo ng Brgy. Sto. Nino, Jabonga, Agusan del Norte.
Sa simula pa ng kanilang pagsasama, tanging pamamasada ng motorsiklo lamang ang hanapbuhay ni Miguel habang si Fely naman ang naiiwan sa kanilang tahanan upang alagaan ang kanilang mga supling.
Hindi naging madali ang kanilang pamumuhay. Minsan, maliit lamang ang kinikita ni Miguel kung kaya’t napagdesisyonan nilang maglako at magbenta nalang ng mga isda. Sa taong 2009, laking pasalamat ni Fely nang maging benepisyaryo siya ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program kung saan siya’y napili ding maging isa sa mga Parent Leader ng programa.
Si Fely ay limang (5) taon ng miyembro ng kanilang Women’s Association at naging sekretarya din siya sa loob ng dalawang (2) taon bunga ng kanyang pagiging aktibong sa grupo. Bukod pa dito, naging presidente din siya ng kanilang Purok at naging Day Care Worker ng sampung (10) taon.
Ayon kay Fely, simula ng siya ay naging Parent Leader, siya na ang ang naghahatid ng mga tamang impormasyon sa kanyang mga kapwa benepisyaryo patungkol sa programa. Buwan-buwan din niyang hinihikayat ang kanyang mga kasamahan na makilahok at makinig sa buwanang eFDS at magsulat ng talaarawan (diary).
Sa kanya namang panunungkulan bilang Purok President, siya ang nakapag-umpisa na magkaroon sila ng scheduled general cleaning at coastal clean-up drive sa kanilang barangay na kanilang isinasagawa tuwing unang sabado ng buwan.
Gaano man daw sila kaabala ng kanyang kabiyak na si Miguel ay sinisiguro naman nilang hindi magkukulang sa gabay, aruga, at pagmamahal ang kanilang mga anak na ngayo’y mga propesyonal na at kagaya din nilang aktibo sa mga organisasyon ng komunidad para sa mga kabataan.
Dagdag pa ni Fely, mahirap man ang buhay, lahat naman ay makakamtan at maabot ng bawat ina, asawa, at pamilya, kung mayroon lamang sipag, tiyaga at pananalig sa Diyos!
Mabuhay ka Fely! Mabuhay ang Kababaihan!###(Social Marketing Section/DSWD Field Office Caraga).