“Ang SLP ang naging daan upang kami ay maging huwaran at inspirasyon sa iba pang kababaihan.
Ito ang pahayag ng San Agustin Sur Makugihon Women’s Sustainable Livelihood Program (SLP) Association, isang samahan ng masisipag at matatag na kababaihan mula sa Tandag City, Surigao del Sur. Sa tulong ng programa, nagawa nilang makapagtayo ng isang consumer store, maliit na meat shop, at gulayan—hindi lamang upang magbigay ng de-kalidad na produkto kundi upang matugunan din ang pangangailangan ng kanilang komunidad.
Ang nasabing asosasyon ay patunay na, sa pamamagitan ng SLP, maraming kababaihan ang nabigyan ng oportunidad na magkaroon ng sariling kabuhayan. Sa halip na umasa lamang sa iisang pinagkakakitaan, natutunan nilang magpatakbo ng negosyo, palawakin ang kanilang kaalaman sa paghahanapbuhay, at palakasin ang kanilang kumpiyansa sa sarili. Dahil dito, hindi lamang nila natutustusan ang pangangailangan ng kanilang pamilya, kundi nakakatulong din sila sa pagpapaunlad ng kanilang lipunan.
Bukod sa aspetong pangkabuhayan, malaki rin ang naging epekto ng programa sa pagpapalakas ng loob ng kababaihan. Nakatulong ito upang manindigan, mangarap, at magsikap para sa mas maayos na pamumuhay.
Ngayong Buwan ng Kababaihan, sama-sama tayong magkaisa at magkapit-bisig upang suportahan ang mga programa ng ating pamahalaan, tulad ng SLP, na nagtataguyod ng isang lipunang may pagkakapantay-pantay at katarungan. Sa pamamagitan ng patuloy na pagbibigay ng suporta, oportunidad, at boses sa kababaihan, tayo ay humahakbang patungo sa isang mas inklusibo at progresibong kinabukasan.
#BawatBuhayMahalagaSaDSWD
#SulongKabuhayanTungoSaPagyabong
#BuwanNgKababaihan