Sa bawat hakbang, hawak ni Tatay Florecito ang kamay ng kaniyang Ate—si Nanay Florencia. Magkapatid sila. Si Tatay ang bunso, pero sa araw na ito, siya ang sandigan ng kanyang kapatid.
Hindi na masyadong malinaw ang paningin ni Nanay Florencia, pero malinaw sa kanilang dalawa kung gaano kahalaga ang tulong mula sa Social Pension for Indigent Senior Citizens Program (SocPen) ng DSWD. Magkasama silang pumila upang makuha ang kanilang 2nd Quarter na pension mula sa ahensya, at magkasamang umuwi, dala ang kaunting tulong na malaking bagay sa kanilang araw-araw.
“Salamat kaayo sa DSWD,” ani Tatay Florecito. Ang matatanggap nilang pension ngayong ikalawang quarter ng 2025 ay ilalaan raw sa pagkain at gamutan—mga simpleng pangangailangan na ngayon ay mas kayang tugunan, salamat sa programa.
Nasa Tandag City sila, sa probinsya ng Surigao del Sur, pero ang kwento nila ay kwento rin ng maraming lolo at lola sa buong rehiyon—mga nakatatandang patuloy na lumalaban, kasama ang pamilya, at may kaagapay na gobyerno.
Patuloy ang DSWD Field Office Caraga sa pag-monitor ng mga payout sa ilalim ng bagong Transfer of Fund modality—tinitiyak na maayos, mabilis, at ligtas ang proseso para sa ating mga lolo’t lola.
Para sa mga katanungan ukol sa iskedyul ng payout para sa SocPen maaaring lumapit sa Office of the Senior Citizens (OSCA) ng inyong lugar.
Maliit man ang halagang natanggap, malaki ang naidudulot. Lalo na kung may kapatid kang kasama sa bawat laban.
Print Friendly, PDF & Email