Isinulat ni: Marivic Ave  Jamorol

Benepisyaryo ng Barangay Mabini, Placer, Surigao Del Norte

 

The poster made by Jamorol family.

Manila, Taong 2007. Narasan naming mag-asawa ang mawalan ng trabaho, dahil sa nagcross-cutting ang kompanyang pinagtrabahuan namin. Sa panahong iyon, hirap akong makahanap ng trabaho dahil kapapanganak ko pa lang sa bunso naming si Biboy, preschooler naman ang panganay kong anak na si Cindy at dalawang taong gulang ang panagalawa kong  anak na si Yanie. Kaya napagdesisyonan namin mag-asawa na umuwi ng probinsya at doon na manirahan. Doon ko napagtanto na mahirap pala ang maging mahirap.

There’s no place like home,” ika nga. Nakikitira kami sa mga magulang ko na sina Francisco at Florencia Ave. Nakapagtrabaho ang asawa ko sa Cebuana Lhuiller bilang isang security guard, makalipas ang ilang buwan mula pagdating namin galing Manila. Pinagkasya naming mag-asawa ang maliit niyang sweldo sa halagang P185/araw, mula 2007 hanggang 2012.

Katuwang ko sa pag aalaga ng mga anak ko ang aking ina. Hindi sapat sa amin ang kinikita ng asawa ko, lalo na at maliliit pa ang mga anak namin. Kung sa pambili lang ng bigas at ulam ay kulang na kulang pa ang kinikita ng asawa ko, hanggang tingin nalang kami sa mga prutas at masasarap na pagkain. Minsan lang makabili ng gatas at bitamina para sa mga anak, at tanging isda at gulay ang inuuna. Ang sabong panlaba ay sabon panligo narin. Ang dalawang itlog at tatlong tuyo ay pinagkakasya naming pito kasama na ang nanay at tatay ko.

Kaya naisipan kong mag-apply bilang Barangay Secretary, kahit maliit ang honorarium; at sa awa ng Panginoon na-appoint ako noong 2007 October Election. Ang honorarium ko noon ay nasa P2,800.00 ang buwan.

Taong 2012. Ang aming Pamilya ay isa sa nabilang sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps). Para sa akin, napakalaking tulong ng programang ito sa pamilya namin. Marami akong natutunan at nadadagdagan ang aking kaalaman sa aking regular na pagdalo sa mga Family Development Session (FDS). Dito ko natutunan kung paano makakuha ng extra income upang makatulong sa pang araw araw na gastusin.

Gamit ang lumang makina ng nanay ko, sinubukan kong magtahi ng sariling uniporme ng mga anak ko, sa tulong na rin ng kaalaman sa pagtatahi ng nanay ko, madali akong natuto sa pagtatahi.  Gumagawa rin ako ng mga punda ng unan at mga kurtina. Hanggang natututo na akong magtahi ng mga damit – at dito ko nakita na may pera sa pagtatahi. Hanggang sa tumatanggap na ako ng mga cutomers na nagpapagawa ng uniporme tuwing Sabado at Linggo.

Placer, Taong 2013. Nakapasok sa Mining Company bilang security guard ang aking asawa. Walang ng hanapbuhay at matatanda na ang mga magulang ko, kaya tanging ang maliit na sakahan lamang ang pinagkikitaan namin. Aktibo akong  nanunungkulan  bilang public servant mula 2007 hanggang December 2015.

Marivic joins the regular meeting as a Barangay Kagawad.

Marami akong nasalihan na mga seminars at trainings tulad ng Good Governance, Violence against Women and Children (VAWC), Barangay Disaster Risk Reduction Management, Simple Budgeting at iba pa. Isa din ako sa KALAHI-CIDDS Volunteer, naging BSPMC Chairperson sa pangalawang cycle sub-project na Evacuation Center ng aming barangay, at kasalukuyang BSPMC Chair ng Cash for Work 2020, BAC chair sa third cycle gravity-driven water system (Mabini, Placer SDN). Ako’y naging ELECOM Chairman rin sa Cooperative taong 2009 at Coop Secretary sa Mabini, United Farmers Cooperative taong 2014 hanggang 2018. Naging PTA Treasurer sa A. Romero Mabini Elementary School kung saan nag-aaral ang tatlo kong mga anak.

Hindi sa lahat ng panahon ay malulusog ang mga anak namin, dumating sa punto na nagkaroon ng karamdaman ang pangalawa kong anak na si Yanie, siya’y nagkaroon ng Nephrotic Syndrome. Sa panahong iyon wala kaming sapat na pera panggastos sa kanyang mga gamot, kaya nagawa naming mangutang kahit may tubo.  Mas tumindi ang hirap, marami pang pagtitiis at paghihirap ang naranasan naming pamilya dahil sa mga bayarin, ngunit tuloy ang buhay dahil sabi nga nila, “Habang may buhay ay may pag-asa”.

Disyembre 2015. Nag-resign ako bilang Barangay Secretary, at nag-apply ako sa isang Mining Company bilang Draftsman dahil nais ko na ring magamit ang natapos kong kurso na BSIT Architetural Drafting. Ngunit ang kompanyang pinapasukan ko ay patapos na ang kontrata kaya hanggang apat na buwan lang ang trabaho ko, pero hindi ako nawalan ng pag-asa, hanggang isa sa mga Municipal Link Officer sa 4Ps ang nagsabi sa akin na naghahanap ng enumerator ang DSWD para sa Listahanan. Isa ako sa aplikante at natanggap, na-assign ako sa Alegria, Surigao del Norte mula Mayo hanggang Hulyo 2016. Pagkatapos ng kontrata sa DSWD, tinutukan ko ang pagtatahi ng mga uniporme, kurtina, damit at cover ng mga upuan. Sa taong ito, hindi na kami naniniharahan sa mga magulang ko dahil nakapagpatayo na kami ng sarili naming bahay, doon lang din sa tabi nila.

Taong 2018. Naniniwala rin ako sa kasabihang, “Never stop dreaming, because life never stops teaching,” kaya sa pagnanais ko na ipagpatuloy ang aking pagseserbisyo sa aming barangay, ako ay tumakbo sa Barangay Election at nahalal sa katungkulan bilang Barangay Kagawad sa tulong at suporta ng aking mga kabarangay.

Hindi natigil doon ang pangangarap ko. Hindi ako sumuko sa paghahanap ng magandang trabaho. Sa edad na 43, sinubukan kong mag-apply sa Department of Education at naaprubahan ang appointment ko bilang Administrative Assistant II sa Surigao del Norte Division Office noong Hulyo 2019. Walang salitang makakapagpaliwanag sa kasiyahang nararamdaman ko sa mga araw na iyon at lubos na nagpapasalamat sa mga biyayang natanggap.

The Jamorol family.

Sa kasalukuyan, nasa kolehiyo na ang panganay kong anak sa kursong Elementary Education sa Caraga State University, Grade 10 naman si Yanie at Grade 8 ang bunso kong si Biboy. Lahat sila ay nakatanggap ng karangalan at nagtapos ng Valedictorian ang bunso ko. Wala ng trabaho ang asawa ko simula noong magsarado ang kompanya, at ngayon ay  siya ang katuwang ko sa mga gawaing bahay at tumututok sa pag-aalaga ng baboy, kambing at baka.

Ngayon masasabi ko na mas umangat na ang aming buhay at lubos akong nagpapasalamat sa mga programa ng gobyerno na nilalaan para sa aming mga mahihirap. Ang 4Ps ay isa sa mga naging sagot sa kahirapan lalong-lalo na pag-aaral ng mga anak ko. Totoo, mahirap ang maging mahirap, pero ngayon nalaman ko na mas mahirap ‘pag walang pangarap. #

Print Friendly, PDF & Email