Sa isang malayo at tahimik na barangay sa Tandag City, araw-araw ay lumalaban si Nanay Barcilisa, 67 taong gulang, sa mga pagsubok ng buhay. Hindi man siya makalakad tulad ng dati matapos mawalan ng isang paa dahil sa komplikasyon ng diabetes, nananatiling matatag ang kanyang puso at loob.
“Dati, ako pa ang abala sa bahay—naglalaba, nagluluto, namamalengke. Pero ngayon, naka-upo na lang ako palagi. Mahirap na,” ani Nanay Barcilisa, habang maingat na inaayos ang kanyang iniinom na gamot.
Kasabay ng sakit na dinadala ng kanyang katawan, ay ang pang-araw-araw na hamon ng kakulangan sa panggastos. Wala siyang regular na pinagkukunan ng kita, at umaasa sa tulong ng kaunting ambag ng mga kamag-anak.
Kaya’t laking pasalamat niya nang makatanggap siya kamakailan ng Social Pension para sa mga Indigent Senior Citizens mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD). Ang halagang ₱3,000 na katumbas ng tatlong buwang pensyon ay kanyang itutustos sa pagkain at gamot.
“Malaking bagay na ito para sa akin. Salamat sa DSWD sa tulong, kahit maliit ay malaking tulong sa tulad kong masakitin,” ani Nanay Barcilisa habang pinipigilan ang luha.
Layunin ng Social Pension Program ng DSWD na magbigay ng buwanang tulong na Php1,000.00 sa mga indigent na senior citizens upang matugunan ang kanilang pangunahing pangangailangan, lalo na ang mga gaya ni Nanay Barcilisa na may karamdaman at wala nang sapat na kakayahang maghanapbuhay.
Para kay Nanay Barcilisa, ang pensyong natanggap ay hindi lamang halaga sa papel. Ito ay simbolo ng pag-aalalang nagmumula sa gobyerno at paalala na hindi siya nag-iisa sa kanyang laban.
“Ang mahalaga, may tumutulong. May nakakaalala. Habang may buhay, may pag-asa,” sabi niya, habang mahigpit na hawak ang kanyang pensyon.
Sa kabila ng kanyang kalagayan, patuloy ang pag-asa ni Nanay Barcilisa na may darating pang mga araw na mas magaan, mas maliwanag, at mas mapayapa.
Print Friendly, PDF & Email