Isinulat ni: Margie D. Rodas
Benepisyaryo ng Poblacion 1, Remedios T. Romualdez, Agusan del Norte
Pagkagutom. Pagkakasakit. Pangangamba. Ang mga katagang ito ang walang patid na nagbibigay pasakit sa aking puso at buong pagkatao dulot ng kahirapan. Kahirapan na naglulugmok sa aking pamilya sa miserableng pamumuhay at ang kaginhawaan ay tila bituin na lamang na aming nasisilayan ngunit kailanma’y hindi mahahawakan.
Labing-pitong taong gulang pa lamang ako ng ako’y magkaanak at mag-asawa. Dahil sa aking murang edad ng ako’y nagsilang, sekondarya lamang ang aking natapos. Wala akong kursong natapos kaya’t pagluluto na lamang ng saging at kamoteng ipinapabenta ko sa mga bata sa eskwelahan. Habang nag-aalaga sa aking supling, ang aking asawa naman ay isang drayber ng bus, ito ang aming tanging kabuhayan.
Kami’y nakakaraos naman sa pang-araw-araw noong iisa pa lamang ang aming anak. Subalit matapos ang walong tao’y nasundan ng dalawa pa at ang hindi inaasaha’y tinamaan ng sisto sa atay at sakit sa kidney ang aking asawa at kalauna’y nawalan ng hanapbuhay. Mga bata pa lamang ang aming mga anak kaya’t sa mga panahong iyon ay nakaatang na sa aking mga balikat ang mga pangangailangan ng pamilya.
Pagtitinda ng kakanin gaya ng turon, barbecue, kamote cue at budbod na aking nilalako na hanggang hindi nauubos ay hindi ako uuwi. Tumatanggap din ako ng suhol sa “pagganit” sa mga paumahan. Lahat ng klase ng paghahanapbuhay na alam ko’y ginawa ko kahit mahirap at nakakapagod sapagkat kailangan kong kumayod sa araw-araw matustusan lamang ang ang aming pangangailangan mula sa pagkain, gamot ng aking asawa, at sa pag-aaral ng aming mga anak.
Subalit ang kasalatang naranasan ko’y mas may ilulubha pa pala. Muntikan ng gumuho ang aking mundo ng pumanaw ang aking asawa mula sa kanyang komplikadong karamdaman makalipas ang walong taon. Labis-labis ang aming pagdadalamhati sa mga panahong iyon. Ang pagkawala ng aking asawa’y naghatid ng napakahiganteng hamon sa akin bilang ina ng aking mga anak.
Bilang nag-iisang haligi at ilaw ng tahanan, kailangan kong maging matibay at matatag para sa aking mga anak. Mabigat man na pasanin ang aking bubuhatin mag-isa dahil sa pagpanaw ng aking katuwang sa buhay, hindi ako maaaring sumuko at hintayin na pati ang aking mga anak ay mawasak rin sa delubyo ng buhay at mapariwara ang landas.
Ang aking panganay ang naging katuwang ko sa paghahanapbuhay at pag-aalaga sa dalawa niyang mga kapatid. Sa madaling araw ay namamalengke na ako para may maitinda samantalang ang panganay ko ang nag-aasikaso sa kanyang mga kapatid bago pumasok sa paaralan. Nagdadala rin siya ng mga paninda na itinitinda niya sa kanyang mga kaklase at guro. Sa pagsapit naman ng dilim ay pumupwesto na ako sa tapat na aming sumasayaw na munting tahanan para magluto ng barbecue. Ang gabi ay ginagawa ko na ring araw upang kumayod.
Masakit para sa akin na isang ina ang mahagilap ang aking mga anak na nakatingin sa mga bagong bag at iba pang kagamitan sa paaralan ng kanilang mga kaklase samantalang ang kanila’y butas-butas na bag dahil sa kalumaan, mga kuwaderno nilang itinatahi ko lamang ulit matapos kung ipagsama ang mga pahinang wala pang sulat, mga lapis na kahit ilang sentimetro na lamang ang haba ay pinag-tiyatiyagaan pa ring gamitin. Minsa’y walang akong naiaabot na kanilang pambaon sa araw-araw nilang pagpasok sa eskwelahan. Sa kabila nito’y hindi sila nagrereklamo o nanghihingi sa akin kahit na alam kong may mga bagay silang gustong ipabili. Kung kaya’t labis akong naaawa sa kalagayan ng aking mga anak at halos gabi-gabi’y patago na lamang akong napapaiyak sa aming sitwasyon.
Sa estado ng labis na kasalatan ng aming pamumuhay, sapat lamang sa aming mga pangunahing pangangailangan ang aking kinikita. Isang araw, sa hindi naming inaasaha’y may mga miyembro ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Caraga ang pumarito sa aming tahanan at naisama kami sa surbey sa programa na Pantawid Pamilya Pilipino Program (4Ps). May interbyung isinagawa sa munisipyo ng aming lungsod at kami’y naging kwalipikado na benepisyaryo ng programa. Labis-labis ang aking kasiyahan dahil may katuwang na ako sa pagpapaaral at pagpapalaki ng malusog sa aking mga anak, ito ang mga pangunahing layunin ng programa. At mula sa araw na iyon, nagsimula nang maging banayad ang masukal na daloy ng aming pamumuhay.
Hindi maikukubli ang aking pag-aalala kung paano ko matutustusan ng sabay-sabay ang pag-aaral ng tatlo kong anak. Dahil sa layunin ng 4Ps ang pagkakaroon ng magandang kalidad ng edukasyon, nakahinga ako ng napakaluwag pagdating sa kanilang pag-aaral. Ang panganay ko ay nabigyan ng pagkakataong makapag-aral sa kolehiyo at isa sa pinalad na maging Expanded Students Grants-in-Aid Program for Poverty Alleviation (ESGPPA) scholar at nakapagtapos sa kursong Bachelor of Secondary Education Major in Biology bilang Cum Laude. Ang pangalawa kong anak na nasa ika-labing dalawang baitang ay isang consistent with high honors student. Habang ang ikatlo kong anak ay nasa ika-sampung baitang at consistent with honors student.
Kung dati, mais na bigas lamang ang nakakaya kong bilhin dahil mura, ngayon, nakakabili na ako ng totoong bigas na may kasamang masarap at masustansiyang ulam. Noon, dahil sa kahirapan ay nilulugaw ko na lamang ang bigas na meron kami para magkasya sa aming lima. Mayroon pang pagkatataong hindi kami nakakakain ng tatlong beses sa isang araw. Ngayon, nakakabili na ako ng masustansiyang mga pagkain gaya ng gulay at prutas may kasama pang gatas. Malulusog at matitibay na aking mga anak. Ang pangambang pagkakasakit nila ay tuluyan ng natabunan ng ginhawa dahil sa kanilang magandang kalusugan ngayon.
Dahil hindi na ako namomroblema pagdating sa pag-aaral at pagkain ng aking mga anak ay nagkaroon ako ng pagkakataong mas palawigin pa ang aking negosyo. Kung dati’y nilalako ko pa ang aking paninda umulan man o umaraw at kahit na may karamdamang iniinda; ngayon, mayroon na akong maliit na sari-sari store sa tapat ng aming tahanan. Nakakabayad na rin ako sa mga gastusin sa bahay tulad ng kuryente’t tubig. Ang mga utang na muntik ng malubog sa akin sa putikan ay nababayaran ko na rin.
Sa pamamagitan ng programang 4Ps, nabigyan ako ng karagdagang kakayahan sa pagnenegosyo at mas lalong nahasa ang mga talento ng aking mga anak. Sapagkat may pantustos na kami sa mga pangangailangan ukol naman sa aming mga kakayahan. Ngayon, gumagawa na ako ng mga flower vases na akin namang ibinebenta. Ang panganay kong anak ay nakapagtrabaho na sa Pamahalaang ng Lungsod ng R.T.R. bilang Human Resource Officer habang ang ikalawa at ikatlong anak ko naman ay mas lalong napaghusayan ang pagiging manunulat (journalist) at pagiging pintor na binigyang katuparan ng programa. Nakapag-uwi na rin ang aking mga anak ng mga medalya dahil sa kanilang mga talento.
Hindi maipagkakaila na mas higit kaming nabigyan ng pagkakataong palawigin at paunlarin ang aming mga sarili sa pamamagitan ng Family Development Session na ginagawa buwan-buwan na kasama sa mga benepisyong aming natatanggap. Nabibigyan kami ng ideya upang mas lalong mapaunlad pa namin ang aming mga sarili. Halimbawa na lamang ay ang pagkakataon kung paano ko maitatama sa tamang hakbang ang aking mga pagkakamali tulad ng maagang pagbubuntis na hindi mangyari sa aking mga anak na pawang mga kababaihan.
Ako bilang ina ay nagpupursige sa paghahanapbuhay at ginagamit ng wasto ang tulong pinansiyal at pagtupad sa mga kondisyon ng programa nang sa ganoo’y matupad rin ang aming pinapangarap na sariling tahanan.
Ang aming pamilya ay nagtutulungan sa lahat ng aspeto ng buhay. Bawat isa sa ami’y may mahalagang naiaambag upang pagtibayin pa ang aming relasyon. Sa hirap at ginhawa katuwang namin ang isa’t isa. Isa sa mga dahilan ng pagsisikhap ng aming pamilya na hindi sumuko sa gitna ng kahit anumang bagyo ng buhay ay upang mabigyan namin ng kabuluhan ang ginawang pagtulong ng programa. Buong buhay naming tatanawing utang na loob ang kaginhawaang aming kasalukuyang nararanasan at sa pamamagitan ng programang ito’y natuto rin kaming tumulong ng kahit kakaunti sa mga pamilyang nasadlak rin sa kasalatan, gaya namin noon.
Parte na ng buhay ang pagkakaroon ng matitinding hamon tulad ng kahirapan. Kailangan lamang ng lakas ng loob at paninindigan upang mapagtagumpayan ang delubyo subalit ako’y naniniwala rin na walang nanalo sa giyera kung ika’y mag-isa lamang na lumalaban. Ang tagumpay ay makakamit lamang sa pamamagitan ng Poong Maykapal at labis akong nagpapasalamat sa Kanya dahil sa 4Ps na Kanyang ginawang instrumento upang mapabuti ang kalagayang pantao ng mga katulad kong napabilang sa mga pinakamahihirap na pamilya ng bansa.
Kailanma’y hindi ko ikinakahiya ang aming kahirapan lalong-lalo na ang maging miyembro ng programa sapagkat ito ang naging katuwang ko sa pagpapalaki at pagpapaaral ng aking mga anak, hindi nito pinagkait ang pagkakataon na mangarap ng malaki ang aking mga anak.
Ang 4Ps ang nagsilbing sasakyang naghatid sa amin mula sa hamon ng kahirapan patungo sa bituin ng kasaganaan at kaginhawaan na nagbigay katuparan sa kabalintunaan ng pag-aakalang ito’y imposibleng abutin at mananatili lamang na tatanglawin at susungkitin. #