Matagumpay na isinagawa ngayong araw ang 3rd Food Redemption Day para sa mga benepisyaryo ng Walang Gutom Program sa bayan ng Sison at Taganaan, Surigao del Norte. Gamit ang kanilang Electronic Benefit Transfer (EBT) cards, nakatanggap ang mga benepisyaryo ng food credits na nagkakahalaga ng Php3,000.00, na maaari nilang gamitin sa pagbili ng pagkain.

Ang EBT cards ay nagiging susi ng mga benepisyaryo upang makabili ng mga pagkaing may balanseng nutrisyon na kinabibilangan ng carbohydrates, protein, at fiber mula sa mga rehistradong local retail partners. Sa bayan ng Sison, katuwang ng programa ang EL JAEL Store, habang sa Taganaan naman, ang Lucas Consumer Goods Trading ang naging kasangga sa pagbibigay ng masustansyang pagkain para sa mga benepisyaryo.

Layunin ng Walang Gutom Program na matulungan ang mga pamilyang Pilipino na maiwasan ang imboluntaryong gutom at magkaroon ng sapat at tamang nutrisyon sa kanilang hapag-kainan.

Patuloy ang DSWD Field Office Caraga sa pagtutok sa bawat benepisyaryo upang matiyak na nakakarating ang mga pangangailangan sa mga food-poor na pamilya, katuwang ang mga lokal na tindahan. Sa pamamagitan ng programang ito, mas pinalalakas ang adhikain na labanan ang kagutuman sa bawat sulok ng rehiyon.
Print Friendly, PDF & Email